Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang pamamahagi ng cash assistance sa mga Person with Disability (PWD) na benepisyaryo ng prosthesis at hearing aids sa probinsiya ng Cagayan, na ginanap sa Halfway House sa Sub-Capitol, Bangag, Lal-lo ngayong Huwebes, Oktubre 29, 2025.

Personal na dinaluhan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay kasama ang Unang Ginang Marinette Yan-Aglipay ang aktibidad, kung saan 39 na PWD mula sa mga bayan ng Lal-lo, Gonzaga, Aparri, Sanchez Mira at Santa Ana ang nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bawa’t benepisyaryo ay tumanggap ng P10,000 cash assistance na magsisilbing pandagdag sa pagpapagawa ng kanilang prosthesis o hearing aids, bukod pa sa suportang nagmumula sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan (LGUs).

Ayon kay Restituto Vargas, PWD Focal Person ng lalawigan, ang ayuda ay bahagi ng Physical Restoration and Rehabilitation Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa ilalim ng PSWDO, na nakaangkla sa adhikain ni Gobernador Aglipay na maging inklusibo ang kanyang governance platform para sa sektor ng PWD.

Paliwanag pa ni Vargas, ang natatanggap na cash assistance ay direktang ginagamit sa pagpapagawa ng assistive devices ng bawa’t indibiduwal matapos ang kaukulang pagsusuri at pagsukat.

Patuloy na pinatutunayan ng programang ito ang pangmatagalang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangangalaga at pagsulong ng karapatan at kapakanan ng mga PWD sa lalawigan.