Nakiisa ang ilang Cagayano rescuers sa isinagawang Emergency Fire and Rescue Exchange Training sa Fujian Province, China, na sinimulan noong nakaraang linggo at nakatakdang matatapos bukas, Mayo 21, 2026.

Kabilang sa mga dumalo sa pagsasanay sina Rueli Rapsing, focal person ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at dating Municipal DRRM officer ng Tuao na si Warren Turo.

Ayon kay Rapsing, naging makahulugan ang palitan ng kaalaman ng mga kalahok dahil kapwa nahaharap ang Fujian at Cagayan sa magkatulad na kalamidad at panganib dulot ng kanilang heograpikal na lokasyon.

Aniya, parehong nakararanas ng malawakang pagbaha ang dalawang lugar dahil sa malalaking ilog tulad ng Cagayan River sa Pilipinas at Jinjiang River sa China, gayundin ng mga panganib mula sa lindol, aktibong fault lines, at pagguho ng lupa.

Isa rin sa kanyang mga natutunan ang kahalagahan ng modernong disaster preparedness infrastructure. Hinangaan din niya ang makabagong training facilities sa China kung saan isinasagawa ang simulation ng aktuwal na sitwasyon ng sunog, pagbaha, at iba pang sakuna upang mas mapahusay ang kakayahan ng mga rescuer.

Malaking inspirasyon din aniya ang centralized emergency management system ng China na nagbibigay-daan sa mabilis na mobilisasyon at koordinasyon sa panahon ng sakuna.

Samantala, pinuri ni Rapsing ang Foreign Affairs Office ng Fujian Provincial People’s Government, Sanming Municipal Government, at Sanming Fire and Rescue Detachment dahil sa matagumpay na pagsasanay hinggil sa earthquake response, water rescue, rope rescue, at specialized search and rescue operations.

Kasama rin nina Rapsing at Turo sa pagsasanay ang mga rescuer mula Santiago City, Isabela habang ang iba ay galing sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.