Pagpupugay para sa dalawang batang cagayano na nag-uwi ng karangalan sa katatapos na 8th Daedo/18th ICTO Taekwondo Open Championship na ginanap sa Toa Payoh Sports Hall, Singapore nito lamang December 9-11, 2022.
Ang mga batang nakapag-uwi ng karangalan ay sina Jhoren Raickiel E. Taquiga, 10 taong gulang na mula sa Calamagui, Solana, Cagayan at Allen Josh Dayag, 10 taong gulang na tubong Ugac, Tuguegarao City.
Si Dayag na mag-aaral sa Tuguegarao West Central School (TWCS) ay nakamit ang 3rd place sa Jumping Breaking Category, at 1st place sa Sparring under 54kg category habang si Taquiga naman na nag-aaral sa Casa dei Bambini sa bayan ng Solana ay 4th place sa kategoryang Jumping breaking at 1st place sa kategoryang Sparring under 59kg.
Ayon kay Kyslev Ernest Guzman na siyang coach ng dalawang bata, hard training at tamang disiplina sa pagkain ang kanyang pangunahing ipinagawa sa kanila para sa naturang kompetisyon. Silang dalawa aniya ang kanyang napili na isabak sa Singapore dahil nakikita niya ang kumpiyansa at kakayahan ng dalawa.
“Mensahe ko po sakanila ay kahit anong mangyari ‘wag silang maging mayabang. Kahit anong achievement na matataas ang makuha po nila, ang discipline ang ‘wag po sana nilang tatanggalin sa pagkatao po nila,” mensahe ni Guzman.
May mga ibang kompetisyon umano ang lalahukan pa ng kanyang team kaya patuloy aniya ang kanyang pag-eensayo sa kanila.
Sa ngayon ay nasa bansang Singapore pa ang team ni Guzman at sa oras na sila ay umuwi, ay magpapahinga umano sila saglit atsaka sasabak muli sa puspusang ensayo.