EMPLEYADO NG KAPITOLYO NG CAGAYAN, GINAWARAN NG PRESTIHIYOSONG “AFP RESERVIST OFFICER OF THE YEAR”
Buong pagmamalaking tinanggap ni LTC Rosalinda P. Callang GSC PA (RES), empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang “AFP Reservist Officer of the Year”, isang prestihiyosong parangal mula sa Armed Forces of the Philippines.
Tinanggap ni LTC Callang ang kanyang parangal sa General Headquarter, Camp. General Emilio Aguinaldo, Quezon City ngayong Sabado, Setyembre 14, 2024 kasabay ng pagdiriwang ng 45th National Reservist Week Culmination Ceremony. Kasama ni LTC Callang sa pagtanggap ng parangal si Maj. Noel Alipio (QMS) Director ng 201st Cagayan Community Defense Center.
Kasama rin ni LTC Callang ang kanyang asawa na si 1LT Elmer C. Callang PA na isa ring AFP Reservist at empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Ang kanilang nag-iisang anak na si Private Jasper Keith P. Callang PA ay isa ring AFP Reservist.
Si LTC Callang ang nakatalagang Battalion Commander ng 201st Cagayan Ready Reserve Infantry Battalion, kung saan iba’t ibang programang nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan at kalikasan ang kanilang inimplimenta. Kabilang sa kanyang mga inisiyatibo ang kasalukuyang itinatayong obstacle course sa Sub-Capitol, Bangang, Lal-lo, Cagayan na nagkakahalaga ng P9 Milyon, pagbuo ng 201 RRIBN Cooperative.
Aktibo rin siya sa community outreach and development program at suportado ang greening program ng pamahalan. Kaliwa’t kanan din ang kanyang isinasagawang medical mission kung saan libo-libong mga mamamayan ang natutulungan.
Hindi rin nagpapahuli ang kanyang hanay sa pagtulong sa mga mamamayang Cagayano sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Suportado rin ni LTC Callang ang pagpapatupad ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) upang mahubog at malinang ang disiplina ng mga kabataan at upang mapalalim pa ang pagmamahal sa sariling bansa.
Ang kanyang aktibong paggampan sa tungkulin at pagsuporta sa mandato ng AFP ang siyang dahilan kaya iginawad kay LTC Callang ang naturang prestihiyong parangal.
Tanging si LTC Callang ang ginawaran ng “AFP Reservist Officer of the Year” sa field grade level sa buong Pilipinas.
Pumasok si LTC Callang sa AFP Reservist taong 2016 at iba’t ibang parangal na rin ang kanyang natanggap gaya ng Panagyaman Award bilang Best Volunteer Group sa loob ng apat na magkakasunod na taon mula 2021 hanggang 2024, at Best Battalion in Region 02 taong 2023.
Sa kasalukuyan, si LTC Callang ang Secretary to the Sanggunian ng Kapitolyo ng Cagayan. Siya ay 31 taon nang empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Samantala, ang mga AFP Reservist ang isinasalang sa sandatahang lakas ng Pilipinas bilang mga regular na sundalo upang pangunahan ang pagharap at paglaban sa krisis sa bansa. Nagsisilbi rin silang kaagapay ng AFP sa tuwing mayroong nagbabadya o nagaganap na kalamidad, banta ng terorismo, o giyera.