Mula sa pinagsamang kombinasyon ng jab-reverse, regular jab, at hook kick, nasungkit ng isang tubong Tuguegarao City at Grade 5 pupil mula sa Saint Paul University Tuguegarao na si Louiemhar Jhong Pineda ang pangalawang pwesto sa katatapos lang na 2023 Thailand Open Karate Championship na ginanap sa Rangsit University, Pathum Thani, Thailand nitong Setyembre-10.
Sa unang round ay nagwagi si Pineda laban sa katunggali mula sa Nepal gamit ang kanyang spinning hook kick, jab, at jab reverse.
Sinubukan din ni Pineda na patumbahin ang kalaban para sa second at final round na mula naman sa bansang thailand kung saan ginamit niya ang jab-reverse, regular jab, at hook kick sa pagbabakasakaling matarget ang weak spot ng kalaban.
Samantala, ginamit ng Thai ang kaparehong kombinasyon laban kay Pineda dahilan para ideklarang draw ang laban ngunit kalaunan ay idineklara ring panalo ang pambato ng bansang Thailand.
Sa kabila nito, nasungkit naman ni Pineda ang ikalawang pwesto at inuwi sa bansa ang karangalan.
Nagpapasalamat si Pineda sa kanyang Kohi at Sensei Victor na naghanda sa kanya para sa nasabing laban, gayon din sa kanyang mga magulang na buong pusong sumuporta sa kanya. Aniya, ang laban na ito ay nag-iwan ng aral sa batang atleta.