PITONG MAG-AARAL MULA SA CDNHS NG GATTARAN, KINILALA ANG PAGIGING MALIKHAIN SA ICIA 2026 SA CAMBODIA

Ipinamalas ng pitong mag-aaral mula sa Calaoagan Dakkel National High School sa Gattaran, Cagayan ang kanilang galing sa larangan ng pananaliksik at inobasyon matapos magpakitang-gilas sa International Creativity and Innovation Awards (ICIA) 2026 na ginanap sa Cambodia noong Abril 24–27.

Sa naturang pandaigdigang kompetisyon, nanguna ang OVO-AI project nina Yvonne Miles Hilary Cerdeñola, Pearl Shannel Dela Rosa, at Dezireij Loraine Tan, na ginawaran ng Titanium Award, isa sa pinakamataas na pagkilala sa ICIA.

Kasabay nito, nakamit din nila ang 100% tuition fee scholarship para sa undergraduate o master’s program sa University of Economics Ho Chi Minh City (UEH) sa Vietnam, na magsisilbing tulay sa mas malawak na oportunidad sa akademya at pananaliksik.

Hindi rin nagpahuli ang BIOREMEDYS project nina Ryne Franzjnric Fariñas, Galileo Marphy Agustin, at Franches Eira Lacerona. Nasungkit nila ang Gold Award at Special Community Award sa Innovation Challenge category, bukod pa sa pagkakataong makadalo sa isang international conference sa Singapore o Kuala Lumpur, isang hakbang upang maipakilala pa ang kanilang galing sa pananaliksik sa mas malawak na entablado.

Sa gabay ng kanilang coach na si Unnis Aguilor, naitaguyod ng dalawang koponan ang kahalagahan ng disiplina, kolaborasyon, at layuning makapagbigay-solusyon sa mga umiiral na suliranin sa lipunan.

Ang International Creativity and Innovation Award (ICIA) ay isang learning platform na idinisenyo para sa mga batang innovator para mahasa ang kanilang pagkamalikhain. Ang mga patimpalak at kompetisyon ay isinasagawa sa pamamagitan ng online at onsite (hybrid) kasabay ng pagdiriwang ng World Creativity and Innovation Day (WCID) na inilunsad ng United Nations.