ISANG CAGAYANO, NAPABILANG SA FILIPINA WOMEN’S NETWORK’S 2025 MOST INFLUENTIAL WOMEN IN THE WORLD AWARD

Binigyang-parangal ang isang Cagayano na tubong Capissayan Sur, Gattaran, Cagayan na si Donabelle Taguinod bilang isa sa 2025 Most Influential Filipina Women in the World sa San Francisco, California.

Ang 2025 Most Influential Filipina Women in the World Award (Global FWN100) ay isa sa pinakaprestihiyosong pagkilala para sa mga babaeng Pilipino sa buong mundo.

Iginawad kay Taguinod ang Policy Maker and Visionary Award, kasabay ng 100 Filipina Women na naparangalan ngayong taon.

Si Donabelle Taguinod ang nagtatag ng International Study Avenue (ISA) Scholarship Program, na nagbibigay ng malaking suporta sa maraming kabataang iskolar lalo na sa mga kabataang kababaihan sa kanilang pag-aaral.

Ayon kay Taguinod, ang kaniyang inisyatiba ay nag-ugat sa kaniyang kabataan kung saan kinailangan niyang tawirin ang ilog papunta sa paaralan na isang karanasang nagpatatag sa kaniya at nagturo ng kahalagahan ng edukasyon.

“This initiative reverberates from my humble beginnings way back when I was in grade school in Capissayan Sur. I had to cross the river to get to school from Grade 1 to 6—for six years I was crossing that river. That taught me resilience,” ani Taguinod.

Pinasalamatan naman ni Taguinod ang kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay sa walang sawang suporta. Ibinahagi rin niya na ang karangalang kaniyang natanggap ay hindi lamang para sa kaniya, kun’di para rin sa bawa’t Pilipinang patuloy na nagbibigay-inspirasyon at patuloy na nangangarap.