
ISANG TUGUEGARAOEÑO, NAPABILANG SA 100 MOST INFLUENTIAL FILIPINOS IN THE WORLD NG TOFA 2025
Napabilang ang isang tubong Annafunan West, Tuguegarao City na si Ginang Marizel Cambri Yukee sa 100 Most Influential Filipinos in the World ng Top Outstanding Filipino Awards (TOFA) 2025.
Ang TOFA ay isang prestihiyosong pagtitipon na kinikilala ang mga Pilipino sa buong mundo lalo na ang mga may malaking impluwensiya sa kani-kanilang larangan at sa komunidad ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Sa taong ito, naging sentro ng TOFA 2025 ang temang “100 Most Influential Filipinos in the World”, kung saan pinili ang 100 Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo na may malaking kontribusyon sa larangan ng medisina, negosyo, sining, media, at marami pa.
Kaugnay rito, si Ginang Yukee ay kasalukuyang nurse practitioner sa Las Vegas, Nevada, at nagtapos ng Master’s Degree in Nursing sa University of South Alabama.
Kinilala at pinarangalan si Ginang Yukee dahil sa kaniyang mahalagang papel at impluwensiya sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa kaniyang pamayanan.






