MAJOR FLOREN HERRERA, GINAWARAN NG PRESTIHIYOSONG 2024 ALEXANDER R. NININGER VALOR AWARD
Isang Cagayanong tubong Nangalisan, Solana, Cagayan ang ginawaran ng 2024 Alexander R. Nininger Award for Valor ng United States Military Academy sa West Point.
Pinarangalan si Major Floren Herrera (INF) PA sa katapangan at kagitingang ipinakita sa Battle of Marawi noong taong 2017 bilang Executive Officer ng 2nd Scout Ranger Company, 1st Scout Ranger Battalion ng Philippine Army.
Si Maj. Herrera ang nanguna sa pagpasok sa isang gusali kung saan naging daan para malapitan ang mga terorista. Naging dahilan din ang magaling na pamumuno ni Maj. Herrera sa kanyang mga tropa para mailigtas ang ilan pang mga sundalo na na-trap sa kuta ng mga terorista.
maliban dito, napasok rin ng grupo ni Maj. Herrera ang mga gusaling kinaroroonan ng mga sniper na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang lider ng mga terorista.
Dahil dito, ginawaran din si Maj. Herrera ng Distinguished Conduct Star, ang ikalawa sa pinakamataas na military honor na iginagawad sa mga sundalo dahil sa kanilang ipinakitang galing at kabayanihan. Tumanggap din siya ng apat (4) na Gold Cross Medals.
Samantala, nagsilbi rin si Maj. Herrera ng ilang matataas na posisyon sa Philippine Military Academy (PMA) at sa Philippine Army (PA).
Si Major Herrera ang kauna-unahang banyaga at foreign national sa buong mundo na ginawaran ng nasabing presitihiyosong parangal. Siya ay nagsisilbi ngayon bilang Deputy Chief ng Scout Ranger Capability Development Office.
Ang Alexander R. Nininger Award ay isang prestihiyosong parangal na iginagawad taun-taon sa bawa’t West Point graduate na nagpakita ng kabayanihan sa sinumpaang tungkulin.