ALYANNA MARI BERAN OCHOA NG IMURUNG BAGGAO, TOP 8 SA ELECTRONICS ENGINEER AT TOP 3 SA ELECTRONICS TECHNICIAN BOARD EXAMS
“Mag-aral nang mabuti at huwag matakot na sundin ang interest.”
Ito ang payo ni Engr. Alyanna Mari Beran Ochoa na tubong Imurung, Baggao, Cagayan sa kapwa niya na may pangarap maging isang Electronics Engineer/Technician.
Si Engr. Ochoa ay nagtapos ng elementarya sa Imurung Elementary School at sa Cagayan National High School, Tuguegarao City.
Noong una ay hindi umano niya alam na may kaugnayan sa electronics ang kanyang nais dahil noong siya ay nasa high school pa lamang ay interesado siya sa Physics. Pero nang magtapos siya sa high school at kinailangan na niyang mag-enroll para sa college, ay napagpasiyahan niya na kunin ang kursong Bachelor of Science in Electronics Engineering (BS ECE).
Ang batch ni Ochoa ay ang batch kung saan nagtapos noong kasagsagan ng pandemya dulot ng COVID-19 kaya naman noong mga panahon ng kanyang review ay purong online lamang siya kaya namalagi lamang ito sa kanilang tahanan sa Baggao.
Subalit, sa kabila ng kanyang puspusan na pagre-review ay naka-ilang beses naman na naantala ang kanilang exam kung kaya siya ay nagdesisyon na maghanap na muna ng trabaho hanggang sa nag-resign siya noong nakaraang taon upang mapagtuunan niya ng pansin ang kanyang exam.
Hanggang sa dumating ang araw ng kanilang exam. Kabado man ay nakayanan naman niyang itawid ang kanilang pagsusulit. At aniya ay hindi niya inasahan na mapabilang pa siya sa listahan ng mga topnotcher.
Malaki ang pasasalamat ni Ochoa sa mga taong umalalay sa kanya upang maabot niya ang kanyang pangarap na maging isang engineer lalong-lalo na ang kanyang pamilya na walang sawang nagpapaalala sa kanya na kaya niyang abutin ang kanyang pangarap. At higit sa lahat aniya, ang kanyang pasasalamat sa Diyos na siyang gumabay sa kanya upang mapagtagumpayan niya ang mga pagsubok ng pagiging isang estudyante.
“Pinapasalamatan ko po ang family ko po. Yung friends ko. Lahat ng batchmates ko and instructors from USL. Then ang Excel Review Center Family. And si God po syempre. Super thankful po ako na pinagbigyan na nya ako na mag-take and nakayanan ko, talagang I survived,” mensahe ni Ochoa.
Sa ngayon ay ina-assess pa ni Ochoa kung ano ba talaga ang landas na kanyang tatahakin dahil ang ECE aniya ay isang napakalawak na field.
Si Ochoa ay anak nina Elisa B. Ochoa at Shayne P. Ochoa na kapwa magsasaka sa bayan ng Baggao.