Tampok ang iba’t ibang culinary treasures ng Cagayan sa isang aktibidad na inorganisa ng Ateneo de Manila University (ADMU) at ng Mama Sita Foundation (MSF) nitong Nobyembre 11, 2024.
Ang dinner na ito na na-curate ng Cagayan Museum and Historical Research Center at ginanap sa Ricardo and Dr. Rosita Leong Hall sa ADMU campus ay isinagawa upang ipakita ang ipinagmamalaking mga pagkain sa Lambak ng Cagayan.
Ilan sa mga pagkain na ipinakita at ipinatikim ay mga “classic” Ilokano dishes tulad ng igado, tupig, at kalyente. Itinampok din ang Ibanag pansit Cabagan ng Isabela at ang salmwera o inasinang kamatis na kilala sa mga Itawit ng Cagayan.
Ilan pang pagkain ang naipakita ay ang okoy gawa sa birut, (species ng “goby” na matatagpuan sa Cagayan River at mga tributaryo nito), at ang inihaw na mangga na kilala sa coastal areas ng Northern Luzon. Para naman sa inumin, tampok ang citrus beverage bilang pagkilala sa citrus farming industry sa probinsiya ng Nueva Vizcaya.
Liban sa pagsusulong ng lokal na pagkain, ang aktibidad ay tumalakay rin sa usapin ng climate change at ang epekto nito sa food security na iprinisinta nina Cagayana scholar at heritage advocate Dr. Mylene Quinto-Lising, MSF President Clara R. Lapuz, Cagayan Museum Curator Niño Kevin D. Baclig, at Cagayan Museum Researcher Jake Coballes. Kabilang din sina Ateneo Vice-President for Higher Education Dr. Maria Luz C. Vilches at Jose Hsu ng Balik Kalikasan student organization na nagbahagi rin ng kanilang kaalaman.
Naroon din si 2018 Dangal ng Lahing Cagayano awardee Prof. Edru R. Abraham kasama ang Kontemporaryong Gamelan Pilipino para sa isang pagtatanghal.
Ang aktibidad ay taunang ganap na inorganisa ni anthropologist Fernando N. Zialcita ng ADMU’s Department of Sociology and Anthropology at ng kanyang mga estudyante sa cultural heritage, kung saan nagtatampok sila ng mga pagkain mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Noong nakaraang taon ay naitampok ang Cagayano delicacies tulad ng sinanta, pinakufu, binallay, sarabasab, inabraw, carabao milk candies, at nipa wine-based cocktails.