Matagumpay na isinagawa sa kauna-unahang pagkakataon ang Tabuk-Tuao 37 kilometers Fun Bike Activity ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Cagayan Tourism Office (CTO) ngayong Sabado, Mayo 11, 2024.
Nilahukan ang naturang aktibidad ng nasa 180 bike enthusiast kung saan ang pinakabata sa kanila ay 13 taong gulang habang 72 taong gulang naman ang pinakamatanda. Ang mga lumahok na biker ay mula sa Kalinga, Cagayan, Mountain Province, at Isabela. Ang aktibidad ay may temang “Breaking barriers and Opening Roads for Tourism and Trade.”
Nagsimulang pumadyak ang mga kalahok sa Kalinga Capitol hanggang sa Cassily Lake Resort, Naruangan, Tuao, Cagayan.
Ayon sa Cagayan Tourism Office, isinagawa ang naturang aktibidad dahil sa kagustuhan ni Governor Manuel Mamba na maitampok at maipabatid sa publiko ang bagong gawang kalsada na magkokonekta sa Cagayan at Kalinga na magsisilbing alternatibong ruta ng mga biyahero.
Bahagi rin ito ng promosyon sa sektor ng turismo kung saan mas mapapadali at mas mapabibilis na ang paglalakbay sa pamamagitan ng bagong kalsada na nagdudugtong sa dalawang lalawigan na may maipagmamalaking pook pasyalan.
Sa ngayon, mas umikli na umano ang oras ng biyahe mula sa Tabuk patungong Cagayan dahil mula sa isang oras at kalahati ay magiging 30-minuto na lamang ito.
Ang pagkongreto sa Tabuk City Kalinga-Tuao Cagayan road via Burayugan-San Francisco-Naruangan Section ay inisyatiba ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na pinondohan naman ng mahigit 170 milyong piso.
Taong 2014 pa umanong plano ni Gob. Mamba ang naturang proyekto kung saan siya noon ay kalihim ng Malacañang hanggang sa nagkaroon ito ng pagkakataon na ilapit kay Sen. Bong Go.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan nina Gov. Manuel Mamba kasama si Kalinga Gov. James Edubba.
Ayon kay Gov. Mamba, pangarap umano niya ng maayos at magandang daan dahil itinuturing aniya nitong pamilya ang mga kalapit na probinsya ng Cagayan lalo na ang Kalinga.
“We are family, ang Kalinga, Apayao, Cagayan, Isabela nangruna ti Kalinga maymaysa ti umbilical cord tayo, the Chico River. It gives life to us, pangalaan ti danum iti Kalinga ken Tuao ti Chico River. Isu nga impaaramid ko atuy parte ti Kalinga,”
“I’ll be retiring soon and this is our dream, daytuy ti arapaap tayo inggana idi that we could be together, to build consensus together. And I am so happy kasi unt-unting nangyayari ito,” ani Gov. Mamba.
Kauganay rito, sinabi naman ni Tuao Mayor William Mamba na umaasa ito na ang naturang kalsada ay paraan upang mas lalo pang magbukas ng maraming oportunidad para sa Cagayan at Kalinga.
Nagpaabot din ng pasasalalamat si Kalinga Gov. James Edubba kay Gov. Mamba. Kasunod nito ay hinikayat ang publiko na bisitahin din ang mga magagandang pook pasyalan na ipinagmamalaki ng kanilang probinsya.
Samantala, kasama rin ni Gov. Mamba ang kanyang maybahay na si Atty. Mabel Villarica-Mamba; Provincial Administrator Atty. Ma. Rosario Mamba-Villaflor; 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, Jenifer Junio- Baquiran, head ng Cagayan Provincial Tourism Office; Pinukpuk Mayor Irving Dasayon, mga representante ng Mayors mula sa Tabuk at Rizal maging ang mga kawani ng Cagayan Tourism Office.