Muli, nagbigay karangalan sa probinsiya ng Cagayan ang panlalawigang aklatan nito, ang Cagayan Provincial and Learning Resource Center (CPLRC) matapos itong magawaran ng “Hall of Fame” Award mula sa National Library of the Philippines (NLP) at The Asia Foundation (TAF) ngayong araw, Agosto-19 sa Sheraton Hotel, Manila.
Matatandaan na katatapos lamang na pasinayaan at basbasan ang newly-renovated provincial library nitong Lunes, Agosto-15 na dinaluhan mismo ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel N. Mamba.
Kinilala ng NLP at TAF ang CPLRC dahil sa kontribusyon nito sa mga Cagayano na makikita sa 13 na parangal nito sa 11 na taon (mula 2011-2022) mula sa NLP at iba’t ibang institusyon.
Ilan lamang sa mga awards na nakamit ng CPLRC ay ang mga sumusunod:
2015- Star Libraries Beyond Access mula sa NPL
2016- Kauna-unahang public library na gumamit ng Destiny Library Manager
2019- Finalist as Outstanding Tech4Ed Center, 2nd Place Gawad Parangal sa Tagapangasiwa (The Asia Foundation)
2020- Top Performing Public Library (Provincial Level)
2021- Most Innovative Public Library, 1st Place Gawad Parangal sa Tagapangasiwa (The Asia Foundation)
Maging si Michael Pinto ang Provincial Librarian ng Cagayan, ay nakilala din at nabigyan ng parangal tulad ng Severino I. Velasco, Gabriel Bernardo Awards, at iba pa.
Ayon kay Pinto, isang karangalan na mabigyan ng Hall of Fame Award ang CPLRC. Aniya, dahil ito sa dedikasyon ng CPLRC na maibigay ang serbisyo sa mga Cagayano, lalo na sa mga kabataan.
Malaking kontribusyon din aniya, ang suporta ni Gov. Mamba sa mga programa ng panlalawigan aklatan at sa adbokasiya nito sa pagtataguyod ng edukasyon ng kabataang Cagayano, lalo na noong nagdaang pandemiya kung saan naging aktibo ang CPLRC sa pamamagitan ng ibang proyekto at serbisyo nito.
Kabilang sa mga programang ng CPLRC na pumatok sa kalagitnaan ng pandemic ay ang Build a Library Program, Summer Literacy, Malinis na Kamay Mahabang Buhay, Hatid Pag-asa sa Pagbabasa, ang L-VIRA, Caygandang Alamin Tele-radyo program sa CPIO, Buhay na Aklat, at iba pa.
Noong 2020, nailunsad din ang electronic library ng CPLRC sa pamamagitan ng pagbili nito ng mga e-resources at databases na ginagamit ng mga estudyanteng Cagayano sa kanilang pag-aaral at pananaliksik.
Naitatag din ang Cagayan Library Consortium at nito lamang Aggao Nac Cagayan ay naitaguyod naman ang Cagayan Authors and Writers Association sa pamamagitan ng Cagayan Author Summit activity.
Ang CPLRC and kauna-unahang public library sa buong rehiyon na equipped ng modern facilities. Ang bagong ayos na aklatan ay may iba’t sections sa apat na palapag nito tulad ng reception lobby, circulation area, storytelling at play area, PWD area, multimedia room, Cagayaniana section, conference area, learning commons area, OPAC station, library café, garden reading area, at marami pang iba.
“Gusto nating maging inclusive ang ating library at magbigay serbisyo para sa lahat. Inaanyayahan ko ang mga volunteer upang magsilbi sa CPLRC para sa ating kapwa Cagayano,” hiling niya.
Plano din ng CPLRC na magsilbi ng 24/7 sa publiko.
Samantala, matapos ang inagurasyon ng CPLRC, inanunsyo naman ng aklatan na inaayos pa nito ang pagbubukas nito sa publiko. Sa ngayon, maaaring bisitahin ang provincial library para sa guided tours.