Opisyal nang idineklara ng Department of Health (DOH) bilang “malaria-free province” ang Cagayan matapos ang isinagawang Malaria-Free Awarding 2024 na ginanap sa Century Park Hotel, Manila.

Ang deklarasyon ay matapos mapanatili ng lalawigan ang pagiging “zero local transmission” ng malaria sa loob na ng mahigit limang taon.

Ang parangal ay personal na tinanggap ni Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung, at Engr. Felizardo Taguiam, Provincial Malaria Program Coordinator.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO), ilan sa mga mahahalagang hakbang na isinagawa upang makamit ang malaria-free status ng probinsya ay ang Early Detection, paggamit ng mga kulambo at pagsasagawa ng indoor residual spraying sa mga lugar na dati nang apektado ng malaria, pagsasanay sa mga medical technologists, kabilang ang microscopy training at refresher courses, pagsasagawa ng information drive o pamamahagi ng mga Information, Education, and Communication (IEC), at maigting na kolaborasyon sa kanilang malaria partners tulad ng DOH, Municipal LGU’s, at iba pa.

Binigyang-diin ng PHO na bagama’t malaria-free na ang lalawigan, magpapatuloy pa rin ang mga hakbang upang tiyaking hindi na muling babalik ang sakit.

Kasama na rito ang pagpapalakas ng surveillance system at tuloy-tuloy na pagbibigay-kaalaman sa publiko tungkol sa malaria prevention.