
Tiniyak ni Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang kahandaan ng probinsiya sa limang araw 2025 Rescue Jamboree na magsisimula sa susunod na linggo.
Sa naging panayam ng CPIO-TeleRadyo kay Rapsing, nakalagay na ang mga gagamitin sa naturang aktibidad at mga pangunahing pangaingailangan ng mga kalahok.
Ayon kay Rapsing, gaganapin ang naturang aktibidad sa Barangay Minanga sa bayan ng Gonzaga kung saan malapit din ito sa dagat na pagdadausan ng mga inihandang mga rescue exercises na gagawin.
Aniya, ito ang kauna-unahang magiging host ang probinsiya sa rescue jamboree, kaya kanilang tiniyak na naiiba ang mga inihandang programa kung ikukumpara sa mga nagdaang kaparehong aktibidad.
Paliwanag ni Rapsing, layon ng aktibidad na mas mapahusay pa ng bawa’t rescuer ang kanilang tungkulin at upang magkaroon ng pagkakaisa sa ibang mga rescuer sa rehiyon.
Sinabi ni Rapsing na bukod sa mga rescue exercises ay nakalatag din sa kanilang pag-uusapan ang kasalukuyang isinusulong na Magna Carta for DRRM workers o ang panukalang batas para sa mga manggagawang DRRM na naglalayong pahusayin ang kondisyon sa pagtatrabaho at mga tuntunin sa trabaho gayun din ang mga kakayahan ng mga rescuer.
“Kakaiba ang rescue jamboree na gagawin dito sa lalawigan dahil hindi lamang competition ang gagawin, pag-uusapan rin ang panukalang batas na makatutulong sa lahat ng mga nasa DRRM” saad ni Rapsing.
Samantala, inaasahan na dadaluhan ng mahigit isang libong rescuers mula sa iba’t ibang Municipal DRRMO sa Rehiyon dos ang 2025 jamboree.
Bukod dito, nakatakda ring pupunta ang mga rescuer mula sa Region 01 na magbabahagi naman ng kanilang kasanayan ukol sa mga usaping kalamidad na kanilang nararanasan.