Nagsilbing evaluator ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT) sa isinagawang Earthquake drill ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ngayong Lunes, Marso 25, 2024.
Ayon kay Zenart Villamar ng PDRRMO na isa sa mga evaluator, halos 200 na mga kawani ng CPPO ang lumahok at inobserbahan sa ginawang drill.
Aniya, tinignan ng kanilang grupo kung ano ang mga gagawing aksyon at pagresponde ng kapulisan kung sakaling makaranas ng lindol ang probinsya kung saan nakakuha ng grading 98.2 ang CPPO.
Sinabi ni Villamar na kasama sa mga binigyang grado ang pagkakaroon ng Search and Rescue Team, Emergency Medical Service, at ang pagresponde ng kapulisan sa isang scenario kung saan dalawang indibidwal ang na-trap at nirescue dahil sa lindol.
Bagamat nakita ng mga evaluator na may kapasidad na ang CPPO pagdating sa paghahanda sa lindol, ani ni Villamar, nagbigay pa rin ng mga suhesyon ang kanilang team na kailangan gawin at huwag balewalain lalo’t may mga ilang kalahok umano ang naglalakad habang tumutunog pa ang alarm na dapat ay nagsasagawa ng duck, cover, and hold.
Dagdag pa ni Villamar, kanilang inirekomenda sa CPPO na sa susunod na Earthquake drill ay susukatin na rin nila ang kanilang kahandaan kapag nagkaroon ng sunog pagkatapos makaranas ng lindol.
Ngayong araw, isinagawa ang first quarter nationwide simultaneous earthquake drill 2024 na nilahukan din ng mga iba’t ibang tanggapan kasama na ang mga Municipal DRRM sa probinsya.
Layon nitong maging handa ang publiko maging ang mga rescuer sa oras na makaranas ng lindol ang probinsya.
Samantala, katuwang ni Villamar na nagsilbing evaluator si Dennis Naceno ng PDRRMO, Ruben Telan at Jamlee Tanguilan ng TFLC-QRT.