Pinarangalan bilang “fully compliant” ang probinsya ng Cagayan sa 23rd Gawad Kalasag ng Office of Civil Defense (OCD).

Batay sa inilabas na datos ng OCD, isa ang probinsya ng Cagayan ang tatanggap sa naturang parangal sa Rehiyon Dos kasama na ang Nueva Vizcaya at Batanes

Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-in Charge ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pumasa ang lalawigan sa assessment na ginawa ng OCD sa mga ginagawang paghahanda ng tanggapan sa tuwing may sakuna at kalamidad.

Aniya, unang nagbigay ng mga dokumento ang kanilang tanggapan na may kaakibat na patunay sa mga programa at aktibidad na ipinatutupad sa probinsya na naging basehan para sa naturang parangal.

Inaasahan naman na tatanggapin ng naturang tanggapan ang nasabing parangal sa susunod na buwan na igagawad ng OCD.

Bukod sa lalawigan, “fully compliant” din ang bayan ng Solana, Rizal, Peñablanca, Buguey, Alcala, Sanchez Mira, Baggao, Camalaniugan, Pamplona, Sta Praxedes, Tuao, Sta Teresita, Sta Ana, at Gattaran.

Samantala, “beyond compliant” naman ang bayan ng Lal-lo, Lasam, Allacapan, at Tuguegarao City.

Ang Gawad Kalasag ay mekanismo o pamamaraan ng OCD para bigyang pagkilala ang mga natatanging kontribusyon ng mga DRRM sa pagpapalakas ng “disaster-resilient” sa mga nasasakupang lugar o komunidad.