Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan kasabay ng naganap na selebrasyon ng Micro Small and Medium Enterprise (MSME) Development Week na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Malacañang Palace, Manila ngayong Hulyo 10, 2024.

Mismong si Governor Manuel Mamba, Engr. Pearlita Mabasa, Provincial Agriculturist. at En.P Jennifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer ang tumanggap sa parangal na iginawad ng Pangulo.

Ang parangal na iginawad ay ang “Presidential Recognition for Outstanding Development Partners on Enhancing Management and Labor Capacities”.

Ang pagkilala ay ibinibigay sa mga stakeholder sa kanilang natatanging kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagtulong sa mga MSME.

Kinilala ang PGC dahil sa matagumpay na pagkakatatag at operasyon ng Cagayan Farm School and Agri-Tourism Center sa Aquiray, Amulung, Cagayan na itinatag ni Gov. Mamba na may layuning mabigyan ng lugar ang mga magsasaka upang magsanay sa iba’t ibang makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pagsasaka.

Ito rin ang kauna-unahang Deaprtment of Tourism-Accredited Provincial LGU-owned farm site sa buong Rehiyon Dos.

Sa ngayon, libo-libong mga magsasaka, miyembro ng mga organisasyon ng kababaihan, at kabataan ang nagsanay sa mga iba’t ibang paggawa ng produkto na makatutulong sa kanila sa pagbuo ng maliliit na negosyo.