
Nagsagawa ng studio tour ang mahigit 30 estudyante mula sa kursong Bachelor of Science in Development Communication ng Cagayan State University – Carig Campus sa himpilan ng Cagayan Provincial Information Office (CPIO)-Teleradyo ngayong Miyerkules, Mayo 28, 2025.
Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral sa larangan ng komunikasyon, layunin ng aktibidad na ipakilala sa mga estudyante ang aktuwal na operasyon ng isang government-run broadcast station.
Ipinaliwanag sa mga mag-aaral ang mahalagang papel ng CPIO bilang Public Information arm ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan mula sa pagbabalita ng tamang impormasyon hanggang sa pagbibigay-serbisyo sa mga Cagayano sa pamamagitan ng radyo at social media.
Ipinrisinta rin sa mga mag-aaral ang bagong gawang studio ng 100.9 FM CPIO-Teleradyo, kabilang ang newsroom, at mga makabagong kagamitan na ginagamit sa produksyon ng balita at programa.
Ipinakita rin sa mga estudyante ang naging malaking pagbabago at ebolusyon ng CPIO-TeleRadyo mula sa simpleng operasyon patungo sa pagiging isang multi-platform media arm ng PGC na ngayon ay may malawak nang naaabot.
Kasama na rin dito ang pagpapaliwanag sa pangunahing mandato ng CPIO-TeleRadyo bilang tagapaghatid ng impormasyon at serbisyo-publiko sa lalawigan.
Ayon naman kay Dr. Jan Justine Rodriguez, DevCom Adviser at Program Coordinator, layunin ng kanilang pagbisita na mailapit sa mga estudyante ang tunay na kalakaran sa industriya ng government media.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang CSU DevCom Organization sa mainit na pagtanggap ng CPIO-TeleRadyo at sa pagbabahagi ng mahahalagang kaalaman upang maihanda sila sa mga hamon ng propesyon bilang mga ‘future development communicators’.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng CPIO-TeleRadyo at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagkakaroon ng maayos na ugnayan at koordinasyon tungo sa pagbibigay ng makabuluhang programa para sa mga mag-aaral partikular na sa linya ng komunikasyon.