Naiuwi ng Barangay Nassiping ang kampeonato sa kauna-unahang Dragon Boat Cup ng Lokal na Pamahalaan ng Gattaran na ginanap kahapon sa Ilog Cagayan, Mayo 19, 2024 kasabay ng kanilang 401st Founding Anniversary.

Ayon kay Michelle Dela Cruz, Tourism Officer ng Gattaran, sinalihan ng 25 barangay na kabilang sa mga “flood prone barangay” ang naturang paligsahan.
Aniya, nag-uwi ng P30,000 at tropeo ang kampeon, P25,000 ang 1st runner up na naiuwi ng Brgy. Guising, 2nd runner up ang Brgy. Tubungan Este na nag-uwi naman ng P20,000, 3rd runner up ang Brgy. Fugu na nag-uwi ng P15, 000, at San Vicente ang panglima na nakapag-uwi ng P10,000.
Sinabi ni Dela Cruz na naging prayoridad sa paligsahan ang mga barangay na madalas bahain dahil aniya, ang pangunahing layunin nito ay maging handa at magkaroon ng pagsasanay sa panahon ng kalamidad.
Nabatid na ang mga ginamit na bangka ng mga kalahok ay mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Gattaran.
Nanguna sa naturang paligsahan si Mayor Engr. Samuel Siddayao at mga opisyal ng nasabing bayan.