Dumarami ang mga pasyenteng nagpapabakuna dahil sa kagat ng aso at pusa sa Animal Bite Treatment Center (ABTC) ng Provincial Health Office (PHO) sa Capitol Complex, Tuguegarao City Cagayan at sa Sub-Capitol, Bangag, Lal-lo, Cagayan.

Ayon kay Shamon C. De Yro, Rabies Coordinator ng ABTC-PHO, halos umaabot sa isang daan (100) ang nagpapabakuna sa dalawang bite center tuwing Lunes at Huwebes. Nagsimula umano ang pagdami noong buwan ng Abril hanggang ngayong Nobyembre 2024.

Karamihan umano sa mga pasyenteng nagpapabakuna ay nakagat ng sarili nilang mga alagang hayop at ang ilan ay mga galang aso.

“Marami [ang nagpapabakuna] dahil sa tumaas ang awareness ng tao na nakakamatay or delikado ang rabies kung hindi nabakunahan o ipagsasawalang bahala kapag nakagat ng aso at pusa. Mas marami ang nagsasadya sa ating bite center dito sa Capitol at sa Sub-capitol kahit na may bite center ang Rural health Unit ng Lal-lo,” saad ni De Yro.

Dagdag ni De Yro na napakahalaga ang tamang kaalaman kapag nakagat ng hayop lalo na ang gagawing obserbasyon sa mga nakakagat na hayop bago magtungo sa mga bite center sa lalawigan.

Maliban dito, tiniyak ng ABTC-PHO na mayroon silang sapat na bakuna kahit pa dumarami ang nagpapabakuna kontra-rabies.

Ang ABTC sa Cagayan ay matatagpuan sa Sub-Capitol sa Bangag, Lal-lo, Rural Health Units ng Baggao, Ballesteros, Calayan, Claveria, Gattaran, Gonzaga, Lal-lo, Sta Parxedes, Sta. Teresita, Solana, Tuao, Tuguegarao City, Main Capitol, at sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).