Isinagawa ng Cagayan Tourism Office (CTO) ang two-day Tourism Statistics Training para sa Municipal Tourism Officers ng 1st District at 2nd District ng Cagayan kasama ang kanilang mga staff sa Solomon Hotel, Lal-lo nitong Pebrero 20-21, 2025.

Ang nagpatupad ng aktibidad ay ang Operations Division ng CTO kabilang sina Salud Vitug, Glenda Tubangui, at Shannen Tolero sa ilalim ng pangunguna ni Enp. Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer ng Pamahalalang Panlalawigan ng Cagayan.

Ang pagsasanay ay isinagawa upang mahasa pa ang tourism partners ng PTO sa pagtitipon ng datos sa larangan ng turismo, pagsasaayos nito, at ang pag-aanalisa o pagsisiyasat sa mga datos na ito upang makatulong sa pagpaplano at pagdedesisyon sa mga programang nakatuon sa pagpapalago sa industriya.

Ayon kay EnP. Junio-Baquiran, mahalaga ang tourism statistics sa local governance. “Ang tourism statistics ay ang pagsukat ng demand at supply sa turismo na napakahalaga sa paggogobyerno. It captures a clear picture of the status of the industry, serves as a tool for monitoring and evaluation of our progress and impact, and empowers the leaders, tourism officers and stakeholders to make better planning and development, decision-making and management of the industry,” aniya.

Sa nasabing pagsasanay, naging pangunahing mga paksa ang Cagayan Tourism Situationer 2024, Basic Tourism Statistics Filling-out forms, computations and analyses na ibinahagi ng mga tagapagsanay at tagapasalita na sina Tubangui, Vitug, at Tolero.

Kasama naman sa pangalawang araw ng pagsasanay ang pagtungo ng mga kalahok sa bayan ng Buguey. Bahagi pa rin ito ng kanilang training at pakikiisa na rin sa Baybay Festival ng bayan kung saan tampok ang kanilang bulong unas na isda (espada) o ang largehead hairtail at ang kanilang pananim na pandan. Dito inilunsad din ang Tourism Supply Profiling System ng Cagayan na binuo ng Internal Systems Unit (ISU) ng PGC. Ang developer ng nasabing sistema mula sa ISU ay sina Ryan John Calubaquib, Raquel Gumpal, at Julius Palcong.

Sambit ni EnP. Junio-Baquiran na ang Tourism Supply Profiling System ay isang mahalagang inobasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Aniya, ang PGC ang kauna-unahang LGU sa buong bansa na bumuo ng ganitong sistema.

“Initially, we will be measuring the primary tourism enterprises in Cagayan, initially the accommodation establishments. It will give us a profile of our hotels in terms of bed capacity, average length of stay, employment, marketing and promotion activities, mode of transaction and facilities and services offered,” dagdag pa ni EnP. Junio-Baquiran.

Sa kabilang dako, nagpasalamat naman si EnP. Junio-Baquiran sa pagdalo ng mga kalahok sa pagsasanay. Kanyang hinimok ang lahat na sana ay magpatuloy ang suporta nila sa mga programa ng PTO at ng PGC at maging mas masigasig pa sila sa pagsusulong ng turismo sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kani-kanilang turismo sa kanilang bayan. Aniya, sana ang pagsasanay ay nag-iwan sa kanila ng maraming kaalaman.