Tinanggap ng mga opisyal ng barangay ng bayan ng Sta. Teresita at Allacapan ang ipinagkaloob na mga Modern Utility Vehicle (MUV) ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng No Barangay Left Behind (NBLB) program ni Governor Manuel N. Mamba.

Ang opisyal na seremonya para sa turnover ay pinangunahan mismo ni Gov. Mamba ngayong Sabado, Pebrero 22, 2025 sa Cagayan Sports Coliseum.

Kaugnay rito, personal namang dumalo sa ceremonial turnover ang 13 barangay captains ng Sta. Teresita at 27 kapitan din ng Allacapan kasama ang iba pang mga opisyal sa naturang mga barangay.

Sa naging mensahe ni Gov. Mamba, muli nitong binigyang-diin ang layunin ng NBLB program na mabigyang-suporta ang mga barangay sa Cagayan at walang mapag-iiwanan tungo sa mga serbisyo at pag-unlad.

Dagdag pa rito, hinimok din ng Ama ng Lalawigan ang lahat ng mga opisyal sa bawa’t barangay na kunin ang ano mang mga suportang ibinibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan dahil ito ay malaking tulong upang mas mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Cagayano.

Nanawagan pa ang Gobernador na pumili ng tama at may malasakit na mga lider at panatilihin ang pagkakaisa o magandang ugnayan upang mas makamit ang pagbabago at hinahangad na pag-unlad ng lalawigan.

“Ammo yo apo, importante la unay iti panagkaykaysa ditoy Cagayan. Dayta laeng iti idawdawat ko kadakayo. Kunin niyo ang mga ibinibigay ng gobyerno hindi para sa inyo kun’di para sa mga constituent sa inyong mga bara-barangay. Tulong daytoy apo tano iti kasta ket mas makaited tayo iti naan-anay a serbisyo para kadagiti kabarangay tayo,” ani Gov. Mamba.

Samantala, nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat sina Sta. Teresita Mayor, Atty. Rodrigo De Gracia at Allacapan Vice Mayor Yvone Florida sa patuloy na suporta at tulong na ipinapaabot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gov. Mamba.

Pinuri rin ng mga opisyal ang No Barangay at No Town Left Behind program ni Gov. Mamba dahil ito anila ay natatanging legasiya ng Ama ng Lalawigan na wala pang ibang nakagagawa.

Nangako rin ang mga opisyal na isusulong ang adhikain at layunin ng One Cagayan na pagbuklurin at pagkaisahin ang mga Cagayano para sa mas progresibong lalawigan.