Pinasinayaan na ng Provincial Government of Cagayan ang bagong gusaling 3-storey Provincial Fishery Station ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa Centro, Sta. Ana, Cagayan kahapon, Mayo 5, 2025.

Pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagpapasinaya sa naturang pasilidad kasama sina Board Member Romeo Garcia ng 1st District ng Cagayan, Sta. Ana Mayor Nelson Robinion, mga consultants at department heads ng Kapitolyo ng Cagayan, contractor na sina Johnny at Lhen Carag, at ilang empleyado ng PGC.

Sa datos na ibinahagi Engr. Kingston James Dela Cruz, Provincial Engineer ng PGC, ang Fishery Station sa Sta. Ana ay pinondohan ng PGC ng mahigit P9.9 milyon mula sa 2022 Annual Investment Program (AIP) ng PGC.

Ang unang palapag ng gusali ay mayroong training/multi-function room, dining area, kitchen, at comfort rooms. Ang 2nd floor ng gusali ay mayroon namang male and female common dormitory, at apat (4) na semi-private rooms. Habang ang 3rd. floor ay ang semi-covered roof deck.

Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, Acting Provincial Agriculturist, ang fishery station ay pangunahing ginagamit sa produksyon ng mga dekalidad na tilapia, bangus, at hito para sa mga fishpond operator sa lalawigan. Libre aniyang ibinibigay ang 1,000 piraso ng fingerlings sa mga interesadong mangingisda habang ang lalagpas sa 1,000 ay mabibili sa presyong 25 sentimo bawa’t pirasong fingerlings.

Dagdag pa ni Engr. Antonio na plano na ring na gawing ‘satellite school’ ang mga fishery station ng OPA sa Lal-lo, Camalaniugan, at Sta. Ana, Cagayan para sa ‘techno demo-marine fish culture’ ng Cagayan Farm School at sa kolaborasyon ng programang Aquaculture NC-II ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Matatandaang pinasinayaan din noong nakaraang buwan ng PGC ang bagong Provincial Fishery Station ng OPA sa bayan ng Lal-lo na pinondohan naman ng Kapitolyo ng Cagayan ng mahigit P7.9 milyon.

Labis ang naging pasasalamat si Engr. Antonio kay Gob. Mamba dahil sa paglalaan ng iba’t ibang pasilidad, programa, at proyektong agrikultura sa lalawigan na makatutulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng bawa’t magsasakang Cagayano.