
Ipinagmalaki ng Cagayan ang tagumpay ng apat na Cagayanong pumuwesto sa Top 7 at Top 10 sa buong bansa sa katatapos lamang na November 2025 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT).
Kabilang sa mga nagkamit ng mataas na ranggo sina Joebert P. Bancud, Ivy A. Pascua, at Domingo G. Calebag Jr. ng Cagayan State University (CSU) Andrews Campus, at si Jericha A. Pedronan ng CSU–Aparri Campus.
Nakuha nina Bancud at Pascua ang ika-7 puwesto sa Secondary Level na may rating na 93.60%, habang pumuwesto naman sa Top 10 si Calebag Jr. na may 93.00% sa parehong antas. Samantala, nakamit ni Pedronan ang 92.20% sa Elementary Level.
Nagtapos ng Bachelor of Secondary Education major in English (BSED-English) sina Bancud, Pascua, at Calebag Jr. mula sa CSU-Andrews Campus, habang nagtapos naman ng Bachelor of Elementary Education (BEEd) si Pedronan sa CSU–Aparri Campus.
Samantala, nakapagtala ang Professional Regulation Comission (PRC) ng 21,967 guro sa elementarya mula sa 43,035 na kumuha (51.04%) at 57,729 guro sa sekondarya mula sa 79,493 na kumuha (72.62%) ang pumasa sa 2025 LEPT sa buong bansa.







