Nakatanggap ang anim na district hospital sa Cagayan ng pagkilala mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay sa “No Balance Billing” Policy o (NBB) nitong Lunes, April 01, 2024.
Ang NBB ay isang polisiya kung saan ang isang kwalipikadong kasapi ng PhilHealth na kinabibilangan ng mga kasambahay, Indigent, Sponsored, Lifetime members, at Senior Citizens na naconfine sa ward o service bed sa isang government hospital ay hindi na sisingilin ng karagdagang bayad para sa mga serbisyong naibigay.
Ang anim na ospital ay kinabibilangan ng Baggao District Hospital, Northern Cagayan District Hospital, Nuestra Señora de Piat District Hospital, Lasam District Hospital, Tuao District Hospital, at Ballesteros District Hospital.
Kaugnay rito, labis ang pasasalamat ni Dr. Nicasio Galano Jr, Chief of Hospital ng Tuao District Hospital kasama ang limang iba pang pinuno ng mga naturang pagamutan na kabilang sila sa nabigyan ng naturang pagkilala.
Saad niya, ito ang naging resulta ng isinagawang survey para sa 4th quarter ng 2023 ng PhilHealth kung saan naging compliant sila sa NBB policy at pumasa sa lahat ng mga ikinunsiderang pamantayan.
Ang NBB aniya ay malaking tulong sa mga pasyenteng higit na nangangailangan partikular ang mga indigent resident.
Lahat ng serbisyo ng mga naturang district hospital na nagawaran ng NBB policy mula sa Philhealth ay maibibigay ng libre sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong medikal.