Sumabak ang anim na kabataang atleta mula sa probinsiya ng Cagayan sa unang araw ng Batang Pinoy National Championship Games 2024-Cycling Event ngayong Lunes, ika-25 ng Nobyembre sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang mga kabataang manlalaro na sumali sa Batang Pinoy Games partikular na sa isport na cycling ay sina Davine P. Novo mula sa University of Saint Louis-Tuguegarao (USL); John Christopher Mallillin na mula sa Saint Paul University Philippines (SPUP) Tuguegarao; Prince Reignier Arcenal, Bendrix Jay Sadana, Fred Rei Pacris Cabuyadao na parehong nag-aaral sa Divine World High School – Sanchez Mira; at Xyrys Andre Pamittan mula naman sa Cataggaman National High School kasama ang kanilang coach na si Amancio Novo Jr.
Ang Batang Pinoy National Championship Game ay isang kompetisyon na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC). Layunin nitong palakasin at paunlarin ang bawa’t kakayahan at talento ng mga kabataan lalo na sa larangan ng isport.
Bukod dito, hindi lamang ang pisikal na kakayahan ang hinuhubog ng aktibidad kun’di maging ang pakikipagkapwa tao at pagbuo ng magandang relasyon ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas.
Sa paghahangad na mapalawak at malinang ang talento at kakahayan ng mga Cagayanong atleta, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba ay buong suportang ibinibigay ang pangangailangan ng mga manlalaro mula sa kagamitan at pinasiyal na pangangailangan.
Itinilaga rin ni Gob. Mamba si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor bilang Head of Delegation ng Cagayan upang matutukan ng PGC ang mga pangangailangan ng mga manlalaro sa kanilang sasalihang mga kompetisyon.
Samantala, magtatagal naman ang Batang Pinoy National Championship Games 2024 hanggang sa Huwebes, Nobyembre 28, 2024.