Nasungkit ni champion climber Sofielle Prajati “Praj” dela Cruz na tubong Tuguegarao City, Cagayan ang dalawang Gold medals at isang Silver para sa Pilipinas sa katatapos na International Federation of Sport Climbing (IFSC) Asian Kids Championship 2022 matapos siyang nagpakita ng kahanga-hangang galing sa larangan ng climbing sa Asian Climbing Championship na ginanap sa Jamshedpur, India noong Disyembre 9-11, 2022.
Ang Climbing competition ay nilahukan ng siyam na bansa kung saan, bawat bansa ay nagpadala ng kanilang mga atleta habang si Praj lamang ang nag-iisang kinatawan ng Pilipinas na lumaban sa multi-athlete delegations na ipinadala ng Korea, Japan, India, Kazakhstan, Thailand at China.
Kasama ni Praj ang kanyang coach/trainer at ama na isang beteranong climber na si Bidz Dela Cruz.
Si Praj ay nangunguna na sa kompetisyon at tinalo ang Korea sa Speed event. Nagtamo naman siya ng knee injury nang siya ay madulas sa Rope climb. Ngunit kahit na may injury man ay nagawa parin niyang mapagtagumpayan ang qualifying round at nakapasok sa Finals na may pinakamataas na ranggo.
Natapos niya ang laro na may nasungkit na dalawang Gold Medal, isa sa Speed Climbing at isa sa Bouldering, at isang Silver Medal sa Combined Overall Format.
“If it’s something you love, it’s something you achieve. I say that because if you don’t love it, then why would you do it? If you do, just do anything you can to achieve that certain thing. So, my thing is, just keep on going, never quit,” pahayag ng batang dela Cruz.
Si dela Cruz ay 7 years old pa lamang nang simulan niya ang paglahok sa mga climbing competition. Siya ay na-inspire sa kanyang mga magulang na kapwa mountaineers at rock climbers.
Siya ang pinakabatang miyembro ng Philippine National Climbing Team sa edad na 11 yrs.old.
Bagaman kasalukuyan ng naninirahan ngayon ang pamilya dela Cruz sa Irvine, California, hiling parin ni dela Cruz na makauwi ng Cagayan at maakyat ang mga naggagandahang kabundukan ng lalawigan.
Ang 2022 Asian Kids Championship ay inorganisa ng International Federation of Sport Climbing (IFSC)- Asian Council, Indian Mountaineering Foundation, Delhi at Tata Steel Adventure Foundation.