Patuloy na pinapahusay ng Provincial Health Office (PHO) ng Cagayan ang implementasyon ng mga programang pangkalusugan sa ilalim ng Disaster Risk Reduction and Management in Health (DRRMH).

Sa isinagawang DRRMH Program Implementation Review (PIR) nitong Miyerkules, Disyembre 12, 2024, tinalakay ang mga naging tagumpay, hamon, best practices, at mga susunod na hakbang para sa mas epektibong serbisyo sa kalusugan ng mga Cagayano.

Ang programa ay pinangunahan ni Dr. Rebecca Battung, Provincial Health Officer kasama si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor.

Ang aktibidad ay naglalayong mas mapalakas ang implementasyon ng mga programang pangkalusugan, lalo na sa harap ng mga sakuna at krisis.

Ayon kay Robert Umoso Jr, DRRMH-Manager, tinalakay rito ang mga nakitang problema tulad ng kakulangan sa tauhan, limitadong pondo mula sa mga Local Government Units (LGU) na dahilan upang nagiging pahirapan ang pagpapatupad ng programang pangkalusugan sa ilang bayan.

“Ang problema na nakita natin ay lack of manpower o kulang sa mga tao at yung kadalasan talaga ay walang budget na bigay ng LGU kasi siguro ang mga priority nila ay ang infra, pero paano naman ang kalusugan, kaya nag a-augment ang Provincial Government thru Governor Mamba kasi doktor po siya alam po niya na ang kalusugan ay priority rin,” saad ni Umoso.

Samantala, maliban sa mga talakayan namahagi rin ang PHO sa mga Rural Health Units (RHU) ng mga hygiene kit na nagkakahalaga ng 4-M at mga karagdagang suplay ng gamot.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mga Municipal Health Officers at mga DRRMH Manager ng mga Rural Health Units (RHU).