Pinangunahan ni Governor Manuel Mamba ang makasaysayang pamamahagi ng bagong utility vehicle (multi-cab type) sa 820 barangays sa Cagayan na isinagawa sa Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City, ngayong Sabado, Disyembre 14, 2024.
Unang tumanggap ang 32 barangays sa bayan ng Tuao sa pangunguna ni Tuao Mayor William Mamba kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga opisyal ng barangay.
Ang mga utility vehicle ay napondohan ng P672,400,000 milyon mula sa pondong hindi nagamit sa programang No Barangay Left Behind (NBLB) sa nakalipas na taon na inisyatibo ni Gob. Manuel Mamba.
Sa mensahe ni Gob. Mamba, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng tunay na paglilingkod sa publiko. Aniya, ang pagiging lingkod-bayan ay nangangailangan ng sakripisyo at dedikasyon upang maipakita ang tamang halimbawa ng liderato.
Naniniwala ang gobernador na mahalagang ipakita sa mga tao na ang gobyerno ay isang institusyong tumutugon sa kanilang mga pangangailangan at problema, hindi isang sanhi ng kanilang mga alalahanin.
“Let us show them how to be good leaders, let us show them that the government is the problem solver. It is not the problem, but the problem solver of all. Isubsublik lang daytoy apo, nu haan tayo ammo ti agsakripisyo haan tayo sumsumrek ti gobyerno,” ani Gob. Mamba.
Nagpasalamat naman si Mayor Mamba sa panibagong tulong na hatid ng PGC sa kanyang bayan, aniya malaking tulong ito sa bawa’t barangay sa bayan ng Tuao upang mas mapalawak at mapalakas pa ang pagbibigay serbisyo sa kanilang nasasakupan.
“Malaking tulong po ito aming Task Force Lingkod Bayan sa aming bayan sa Tuao, alam naman po ninyo na 24 hrs ang serbisyo ng ating bayan at kulang na kulang ang ambulansiya namin na nagseserbisyo sa aming bayan ngayon at dinagdagan na ni Governor,” pahayag ni Mayor Mamba.
Nagpaalala naman ito sa mga barangay official na mas lalo pa nilang paigtingin ang kanilang serbisyo sa kanilang nasasakupan. Hiningi rin nito na gamitin lamang ang sasakyang sa mga makabuluhang bagay o aktibidad ng kanilang barangay.
Kaugnay rito, ipinaliwanag ni Assistant Provincial Planning and Development Officer Rolando Calabazaron na mayroong P820,000,000 milyon na hindi nagamit sa NBLB at ito ang ibinili ng mga service vehicle. Aniya, ang natira sa pondo ay ibabahagi rin sa mga barangay na nakapag-liquidate sa kanilang NBLB.
Dagdag pa niya, mayroon nang P615,000,000 na pondo ang nakalaan sa programang NBLB sa taong 2025. Sa kabuuan, simula nang maupo si Gov. Mamba ay naibaba na ang mahigit P3.6 bilyon sa mga barangay sa lalawigan.
Ang utility vehicle na ipinamahagi ay magsisilbing pangunahing transportasyon sa mga aktibidad ng barangay, gaya ng pagresponde sa mga emergency, paghahatid ng serbisyo publiko, at pagpapalakas ng mga programa sa komunidad.
Ang NBLB program ay isa sa mga pangunahing proyekto ni Gob. Mamba na nakatuon sa pag-unlad ng mga malalayong barangay sa Cagayan. Sa ilalim ng programang ito, nabibigyan ang mga barangay ng kinakailangang pondo at kagamitan para sa kanilang operasyon.
Susunod naman na makakatanggap ng sasakyan ang mga bayan ng Baggao, Solana, Tuguegarao, at Aparri
Samantala, bago naman ipinasakamay ang mga bagong biling sasakyan ay binasbasan ito sa pangunguna ni Solana Parish Priest Fr. Ever Bariuan.
Kasama sa turn-over ceremony sina Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, department heads, consultants, ilang kawani ng Kapitolyo ng Cagayan, at mga bisita na sina Atty. Jojo Caronan, at Romar De Asis.