Namahagi ng livelihood assistance sa mahigit 300 na mga Cagayano ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Commissary sa Kapitolyo ng Cagayan ngayong Martes, Disyembre 17, 2024.
Ang livelihood assistance ay mula sa pondong ibinaba ni Senator Koko Pimentel kay Gobernador Manuel Mamba sa pamamagitan ng programang Sustainable Livelihood program ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD).
Ayon kay Karen Mabasa-Miguel, DSWD Provincial Coordinator na ang nasabing programa ay isang capacity building program na makatutulong sa mga program participant at hindi benepisyaryo para magkaroon ng mapagkakitaan o panimulang pangkabuhayan.
Ipinaliwanag pa nito na ang lokal na pamahalaan ang bahalang tumukoy kung sino ang mga nangangailangan na dumaan sa panuntunang inilabas ng DSWD na Memorandum Circular 07, series of 2023 at dadaan sa isang screening na isang patunay na sila ay nangangailangan o walang sapat na kapital.
Dagdag pa nito na ang mga program participant ay dadaan din sa pagsasanay sa financial literacy para maihanda sila ng husto sa pamamalakad ng negosyo upang hindi masayang ang kapital na naibigay sa kanila. Kasabay din dito ang monitoring sa loob ng limang taon kung saan inilagak ang kapital at gaano kaayos ang pamamalakad sa naibigay na P15,000.
Sa naging mensahe ni Gobernador Manuel Mamba sa mahigit 300 program participants, hinimok niya ang mga ito na pangasiwaang mabuti ang halagang naibigay ni Senator Koko Pimentel para sa pangkabuhayan na ibinaba sa pamamagitan niya.
“Aramaten yu nga nalaing daytoy naibaba nga gatad ni Senator Koko Pimentel para makapagnegosyo kayu nga makatulong kadakayu ken ti pamilya yu. Tanu napintas tu ti pagbalinan na daytoy ket i-suggest kun tu ti sumarunu nga gobernador tayu nga maitultuloy ti kastoy nga programa tapnu makadawat tayu ti nayun na nga pondo,” ani Gob. Mamba.
“Dakayu ti napili nga maikkan ti kapital nga nasken nga matulungan, isu nga masapul nga agpili kayu iti mayat nga lider nga mangidaulu kada kayu, daydiay lider nga mangibaba ti serbisyu kadagiti amin nga ili a kas didiay programa nga No Barangay Left Behind,” dagdag pa niya.
Pinangasiwaan ng DSWD ang pagbibigay ng P15,000 livelihood assistance sa mga program participant na mahigit 300 sa mga 15 bayan sa lalawigan katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Office for People Empowerment (POPE) para maisakatuparan ang programa.