Nagsimula nang mag-ikot ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) para sa pagsasagawa ng “Basic life Support” training sa lahat ng mga Barangay sa probinsiya ng Cagayan ngayong Martes, Nobyembre 03, 2024.
Ayon kay Arnold Azucena ng TFLC-QRT, unang ginanap ang naturang aktibidad na tinawag na “Community Emergency Response” (CERES) sa Brgy. Villa Maria, Enrile na susundan sa ibang pang barangay sa probinsya.
Aniya, 20 na residente mula sa nasabing Brgy. ang kalahok sa naturang pagsasanay ngayong araw maliban pa sa mga opisyales ng Brgy.
Kabilang sa mga ituturo sa mga kalahok ang pagbibigay ng paunang lunas sa mga aksidente lalo na sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.
Nabatid na unang isinagawa sa bayan ng Enrile ang naturang pagsasanay dahil isa ang naturang bayan sa madalas na makaranas ng pagbaha lalo na sa tuwing tumataas ang lebel ng tubig sa Ilog Cagayan.
Sinabi ni Azucena na ang mga residente na sumailalim sa pagsasanay ay sila na rin ang magsisilbing Trainor sa mga ibang residente ng barangay.
Magbibigay naman ng complete set ng medical kit ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa barangay para mayroong gagamitin sa panahon ng pangangailangan.
Paliwanag ni Azucena, ang naturang aktibidad ay isa sa mga nakapaloob sa programa ng PGC sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba na marating ang mga Brgy. para sa mga pagsasanay na makatutulong at dagdag kaalaman ng publiko na magagamit sa panahon ng sakuna at kalamidad.