Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) ang nasa 176 na magsasaka na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) at namatayan ng iba pang alagang hayop dahil sa bagyong Julian at Kristine sa lalawigan.
Ang distribusyon ng tulong pinansiyal ay isinagawang ngayong Huwebes, Disyembre 5, 2024 para sa mga benepisyaryong mula sa mga bayan ng Enrile, Piat, Tuao, at Sto. NiƱo, Cagayan.
Ayon sa Provincial Veterinary Office (PVET), 161 ang mga apektado ng ASF na naitala noong buwan ng Agosto hanggang Setyembre kung saan ang mga namatayan ng inahing baboy ay nakatanggap ng halagang P3,000 na katumbas ng isang baboy; sa grower o finisher na baboy ay P2,000; ang biik ay P1,000; at ang weanling at suckling pa lamang ay tig-P500.
Paglilinaw ng PVET na tanging ang mga hog raiser na isinailalim sa “culling” ang mga alagang baboy sa tulong Municipal Agriculturist Office (MAO) at PVET ang tanging nabibigyan ng financial assistance.
Kaugnay rito, 15 na magsasaka naman na namatayan ng alagang hayop dahil sa mga bagyo ang nabigyan ng tulong sa halagang P1,000 bawa’t isa.
Samantala, ipagpapatuloy ng PVET, Provincial Treasury Office (PTO), at Provincial Office for People Empowerment (POPE) ang pamamahagi ng tulong sa iba pang hog raisers at iba pang magsasaka ng lalawigan sa mga susunod na araw.