Nagsimula na nitong mga nakaraang araw ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamhalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamahagi ng iba’t ibang punlang gulay sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at baha sa lalawigan ng Cagayan.

Layon ng hakbang na ito sa pagnanais ni Governor Manuel N. Mamba na mapalitan ang mga nasirang pananim na gulay ng mga Cagayano. Hakbang din ito upang tugunan ang kakulangan ng pagkain at ang mataas na presyo ng mga gulay ngayon matapos ang sunud-sunod na bagyo at baha na nanalasa sa Cagayan.

Ayon kay Melvin Mangawil, Acting Provincial Agriculturist ng OPA, unang nailarga ang seedlings dispersal sa bayan ng Iguig at Enrile, Cagayan, kung saan bawa’t household ay nakatanggap ng 15 assorted seedlings o “pakbet variety” tulad ng talong, okra, ampalaya, sili, kamatis, at kalabasa para itanim sa mga bakuran ng mga benepisyaryo.

Ang naibahaging punla ng gulay ay umaabot na aniya sa 100,770 at nabenepisyuhan dito ang 6,094 household ng Iguig at Enrile.

Ang seedlings dispersal ng OPA ay magpapatuloy sa mga susunod na araw sa tulong ng Provincial Office for People Empowerment (POPE) at Municipal Local Government Units (MLGUs).

Kasabay nito, abala rin ang OPA sa mass propagation at production ng assorted vegetable seedlings sa Provincial Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung.

Samantala, ang seedlings dispersal ay kaugnay sa programa ni Governor Manuel Mamba na MagSAKAbataan para sa Cagayan at Kinabukasan na nagsimula noong 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 Pandemic.