Tampok ang booth ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Cagayan Provincial Tourism Office sa North Philippine Expo 2024 sa SM Clark Pampanga na nagsimula kahapon Oktubre 18, 2024 hanggang Oktubre 20, 2024.

Kabilang ang Cagayan sa 71 exhibitors mula sa bahaging Norte na kinabibilangan ng PLGUs, non-government organizations, traders, airlines, at hotels na nakilahok sa exhibition na ito. Ang exhibition na ito ay pinapangunahan ng Department of Tourism kaakibat ang Association of Tourism Officers of Central Luzon (ATOCEL) at ang Philippine Exhibitions and Trade Corporation (PETCO).

Dala ng probinsiya ang mga produktong turismo nito, kabilang ang local products at ang pagtatampok ng tourist destinations sa lalawigan.

Ang pakikilahok sa mga aktibidad na ito ay nakatuon sa programa ni Governor Manuel Mamba na Cagayan International Gateway Project. Bahagi ito ng paghahanda sa pagbubukas ng lalawigan sa international market, kung saan isa ang turismo sa malaking oportunidad na magbibigay daan upang mapalago ang ekonomiya ng Cagayan.

Kamakailan ay lumahok din ang PGC sa Phil. Travel Mart noong Setyembre 6-8, 2024 sa SMX Convention Center, Pasay City; at sa 18th Padday na Lima Regional Trade Fair sa Festival Mall, Alabang, Muntinlupa City noong Setyembre 10-16, 2024.