Pormal nang ipinasakamay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang iba’t ibang mga Educational Materials sa pamunuan ng Schools Division Office (SDO) Cagayan.

Ito ay kasabay ng isinagawang regular flag raising ceremony ngayong Lunes, Oktubre 21, 2024 sa Cagayan Provincial Capitol.

Ang pagbili sa mga aklat ay bilang tugon sa kahilingan ng SDO Cagayan upang matutukan ang pagpapataas ng kakayahan ng mga kabataang Cagayano sa pagbabasa tungo sa dekalidad na edukasyon.

Kaugnay rito, umabot sa P4.9M ang inilaang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagbili sa mga masabing aklat at ito ay sa ilalim ng Special Education Fund (SEF) ng Provincial School Board (PSB) na pinangungunahan ni Gov. Manuel N. Mamba.

Ayon kay Dr. Reynante Caliguiran, Schools Division Superintendent ng SDO Cagayan, lubos ang pasasalamat ng Kagawaran ng Edukasyon sa suporta ng gobernador upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa Cagayan.

Pinuri rin nito ang mga programa at proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga school building at mga gymnasium upang matiyak ang maayos na pasilidad na magagamit sa pag-aaral ng mga kabataan.

Dagdag pa aniya rito ang suporta ng gobernador sa paglalaan ng pondo sa isports, journalism, festival of talents, provincial jamboree at marami pang iba.

“Iyong iba sinasabi nila na sports lang ang focus ng ating Provincial Government in terms of support but for all you know, the Provincial Government through the Special Education Fund, balense po ang support,” pahayag ni Dr. Caliguiran

Kaugnay rito, nangako naman si Dr. Caliguiran na isasakatuparan ng SDO Cagayan ang mandato nito na mapataas pa ang kalidad ng edukasyon at kaalaman ng mga kabataang mag-aaral at maisakatuparan ang hangaring matugunan ang pangangailangan ng mga non-reader sa probinsya.

Samantala, inaasahang may karagdagan pang mga libro ang nakatakdang dumating sa susunod na Linggo na nagkakahalaga ng P10M.