Matagumpay na isinagawa sa kauna-unahang pagkakataon ang Provincial Local Health System Summit Award 2024 sa probinsya ng Cagayan ngayong Biyernes, Oktubre 4, 2024 na isinagawa sa People’s Gymnasium, Tuguegarao City.

Ito ay may temang “Bayang Nagkakaisa, Kalusugang Cayganda ang matatamasa.”

Layon nito na palakasin ang usaping pangkalusugan sa mga lokal na pamahalaan sa probinsiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkilala sa mga natatanging kontribusyon at mga top performer Local Government Unit (LGU) sa implementasyon ng serbisyong pangkalusugan at pagpapabuti ng kalagayang medikal sa kani-kanilang nasasakupan.

Ang pagbibigay ng plake ay isinagawa sa pamamagitan ng LGU health scorecard, isang tool na ginagamit ng Department of Health (DOH) upang suriin ang kakayahan ng bawa’t LGU, kung saan may mga “indicator” umano rito na dapat ma-achieve ng bawa’t munisipalidad.

Naging kinatawan ni Governor Manuel Mamba si Dr. Rebecca Battung, Provincial Health Officer ng PHO Cagayan sa nasabing aktibidad.

Ipinaabot nito ang mahalagang mensahe mula kay Gob. Mamba, kung saan ipinahayag nito ang buong suporta sa mga health program ng Department of Health, partner agencies ng PGC, stakeholders, at maging sa mga Municipal at Barangay.

Inihalimbawa nito ang isa sa mga programa ni Governor Mamba na No Town, No Barangay Left Behind na may layuning tiyakin ang pantay-pantay na pag-access ng mga pangunahing pangangailangan ng bawa’t Cagayano.

Aniya, kabilang dito ang pamamahagi ng mga transport vehicle, pagpapaganda sa mga district hospital, at pamamahagi ng karagdagang mga gamot at suplay sa iba’t ibang LGU upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan.

“He appeals to our Mayors, Vice Mayors, Councilors, Municipal Health Officers, and all public servants to continue our love for health for the health programs, because healthy constitutents are productive and resilient-Cagayanos,” saad ni Dr. Battung.

Kaugnay rito, iginawad ang Plaque of Excellence sa CHO Tuguegarao, MHO Solana, MHO Tuao West at Tuao East, at MHO Sanchez Mira.

Habang tinanggap naman ang Plaque of Recognition ang MHO Enrile, Iguig, Sta. Praxedes, Camalaniugan, Aparri West & Aparri East, Lal-lo, Rizal, Abulug, Sta. Ana, at Lasam.

Panghuli, ang Plaque of Commendation na ibinigay naman sa mga MHO ng Piat, Gattaran, Sto. Nino, Gonzaga, Sta. Teresita, Alcala, Amulung, Buguey, Pamplona, Allacapan, Ballesteros, Calayan, Baggao, Claveria, at Peñablanca.

Maliban sa plake ay tumanggap rin ng cash prize ang bawa’t MHO.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) katuwang ang Provincial Health Office-Cagayan.

Samantala, ito ay dinaluhan ng DOH- Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD) sa pangunguna ni Regional Director Dr. Amelita Pangilinan, Philhealth, Mayors mula sa iba’t ibang munisipalidad at kanilang kinatawan, mga kawani ng PHO at PDOHO, at iba pa.