Nagsagawa ng Tree Growing Activity ang Provincial Natural Resources and Environmental Office (PNREO) katuwang ang Public Employment Services Office (PESO) at mga benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) ngayong Miyerkules, ika-26 ng Setyembre sa Veterinary Plantation Site, Nassiping, Gattaran, Cagayan.

Aabot sa mahigit 1,000 forest trees gaya ng Narra ang sabay-sabay na itinanim ng mga empleyado ng PNREO at GIP beneficiaries.

Ayon kay Mylene Perlata, PESO Manager, layon ng isinagawang aktibidad na bigyang pagkakataon ang mga GIP beneficiary na makilahok sa mga programa ng gobyerno na may kinalaman sa pangangalaga ng kalikasan. Bukod dito, makatutulong din umano ang tree growing activity upang mapalawak ang kanilang internship experience.

Bahagi rin ang isinagawang aktibidad sa isinusulong ni Governor Manuel Mamba na ‘I Love Cagayan River Movement’ kung saan layunin nitong isaayos muli ang Ilog Cagayan at maibsan ang epekto ng nararanasang mga kalamidad sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy at kawayan sa gilid ng Ilog Cagayan at tributaryo nito.

Matatandaang noong Hulyo, binuksan ng Kapitolyo ng Cagayan ang pinto nito sa 65 na benepisyaryo ng GIP na makapagtrabaho sa iba’t ibang tanggapan upang sila’y magkaroon ng sapat na kasanayan sa pagtratrabaho.

Ang GIP ay isa sa mga programa ng Department of Labor Employment (DOLE) kung saan ang mga benepisyaryo nito ay nasa edad 18-30 na maaaring nakapagtapos mula sa highschool, college, technical-vocational institutes, at out-of- school youth na binibigyang pagkakataong makapagtrabaho sa gobyerno ng 3 hanggang 6 na buwan upang maihanda at mapalawak ang kanilang kasanayan sa pagtratrabaho.