Sumailalim ang nasa 22 tricycle driver mula sa bayan ng Tuao sa isang araw na Basic Life Support (BLS) at First Aid Training sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Tuao Station nitong Sabado, Setyembre 21, 2024.

Layunin ng pagsasanay na bigyan ang mga kalahok ng kasanayan at kaalaman upang maging epektibong unang responder sa mga emergency.

Ayon kay F03 Querobin Adriano ng BFP Tuao, mahalaga ang papel ng mga tricycle driver sa pagtugon sa mga aksidente, lalo’t sila ang pangunahing nasa kalsada araw-araw at madalas unang nakararating o nakakakita sa mga insidente sa mga kalsada.

Aniya, sa pamamagitan ng pagsasanay na ito ay nakatutulong upang mapabilis ang pagtugon sa mga insidente at mapataas ang tsansa ng kaligtasan ng mga biktima na nangangailangan ng agarang atensyon bago pa man dumating ang mga propesyonal na rescuer.

Samantala, ang aktibidad ay naisakatuparan sa pamamagitan ng suporta ng Pamahalaang Lokal ng Tuao sa pamumuno ni Mayor William Mamba.