Personal na pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagbibigay ng insentibo sa mga atleta, coaches , trainers at chaperons mula sa delegasyon ng Schools Division Office (SDO) Tuguegarao nitong Biyernes, Setyembre 06, 2024.

Ang mga atleta na nakatanggap ng insentibo ay ang mga kumatawan sa lungsod ng Tuguegarao noong 2023 Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet na mula Elementary at Secondary Division kasama ang sumabak para sa Special Events Division.

Sa naging mensahe ni Governor Mamba, malaking bagay aniya na kilalanin ang pagsisikap at dedikasyon ng mga kabataang atleta kasama ng kanilang mga coaches, trainers at chaperons dahil sa karangalang iniuwi nila para sa lungsod at sa buong probinsya.

Kaugnay rito, tiniyak pa ng gobernador ang suporta ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa mga darating pang kompetisyon na lalahukan ng mga atletang Cagayano at umaasa siya na sa mga susunod na pakikipagtungali sa ibang mga rehiyon ay muling maiuuwi ang tagumpay at karangalan para sa Cagayan.

Samantala, umabot naman sa halos P1,000,000 ang inilaang pondo ng PGC para sa insentibo ng Tuguegarao City delegation na sumabak noong CAVRAA MEET 2023.(Gelo Maguddayao)