Pinarangalan ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 02 ang One Town, One Product (OTOP) Hub-Gattaran ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Nassiping, Gattaran bilang Outstanding Development Partner sa ilalim ng “Providing/ Improving Access Markets” Category.

Ang parangal ay iginawad kahapon, Hulyo 11, 2024 sa Regional Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Summit sa SM City Tuguegarao.

Mismong si Governor Manuel Mamba na naging panauhing pandangal ng nasabing aktibidad ang tumanggap ng parangal, kasama sina Enp. Jenifer Junio-Baquiran, Cagayan Provincial Tourism Officer, at Provincial Agriculturist Engr. Pearlita Lucia Mabasa.

Iginawad din sa PGC ang isa pang parangal para sa Cagayan Farm School and Agri-Tourism Center sa Anquiray, Amulung na umani ng “Presidential Recognition for Outstanding Development Partners on Enhancing Management and Labor Capacities.”

Matatandaang tinanggap naman ni Gov. Mamba, kasama sina Mabasa at Junio-Baquiran, ang Presidential award na ito mula mismo kay President Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng pagdiriwang ng Micro Small and Medium Enterprise (MSME) Development Week ng DTI.

Ang dalawang parangal ang naging opisyal na kinatawan ng Rehiyon Dos para sa Presidential Recognitions sa nabanggit na dalawang kategorya.

Ang OTOP Hub Gattaran ay binuksan ng PGC noong 2019. Ito ay isang one-stop shop kung saan makikita ang iba’t ibang lokal na produkto ng Cagayan na gawa ng 55 MSMEs sa lalawigan.

Ang mga produktong ito ay kinabibilangan ng food, non-food items, fashion at accessories, health and wellness products, damit, at iba’t ibang souvenir items.

Naisakatuparan ang pagtatayo ng OTOP Hub sa mismong Visitor’s Pavilion ng Nassiping Eco-reserve and Reforestation Park sa bayan ng Gattaran sa pakikipagtulungan ng PGC sa DTI.

Ayon kay Junio-Baquiran, ang pagbubukas ng OTOP Hub sa Nassiping ay bahagi ng adhikain ni Governor Mamba na mabuksan ang Cagayan para sa international trade lalo sa mga malalapit na bansa sa norte kabilang ang China, Taiwan, Japan, at iba.

Aniya, naisakatuparan nito dahil sa suporta ng ama ng lalawigan para sa mga MSME at ang pagnanais niya na maging bahagi ang mga ito sa pag-unlad ng Cagayan.

Ang Cagayan Tourism Office ang kasalukuyang nagpapatakbo sa OTOP Hub. Patuloy naman ang tulong at suporta na binibigay ng PGC sa mga MSME na bahagi ng OTOP Hub.

Kinilala rin ito ng DTI dahil sa pagkamit nito ng “highest in sales in the region.” Iba’t ibang LGUs din ang patuloy na nagsasagawa ng benchmarking dito.