Ginanap ngayong Lunes, Hulyo 8, 2024 ang culminating activity ng Digital Literacy Training ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 02 para sa Early Childhood Care Development (ECCD) workers ng Tuguegarao City sa ilalim ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Nagtapos ang 75 na kalahok kung saan sila ay sumailalim sa ilang araw na pagsasanay sa paggamit ng basic Microsoft software applications tulad ng Word, Excel, at PowerPoint. Ang mga kalahok ay nahati sa tatlong batches at sinanay ng resource speakers at trainers mula sa DICT.

Pinangunahan nina DICT R02 Regional Director Pinky T. Jimenez at mga staff nito, at Michael Pinto, Provincial Librarian mga CPLRC staff ang nasabing aktibidad na isinagawa sa 4th Floor ng CPLRC sa Tuguegarao City.

Sa kanyang mensahe sinambit ni RD Jimenez na sa pamamagitan ng CPLRC, patuloy na nagbibigay ng serbisyo ang DICT.

Hindi ito aniya ang huli na pagsasanay para sa ECCD Workers na ihahatid ng kanilang ahensiya, bagkus umpisa pa lamang ng maraming kaalaman tungo sa digital transformation.

“Information is power. Giving information empowers you to become better teachers to the future generation,” diin niya.

Samantala, nagpasalamat naman ang Director sa patuloy na ugnayan nito sa CPLRC at inanunsiyo niya na magbibigay ang DICT ng 26 units ng laptop para sa Panlalawigang Silid-aklatan na siyang gagamitin sa mga susunod na pagsasanay na isasagawa nito.

Laking tuwa naman ni Pinto sa magandang balita na hatid ng DICT. Aniya, hindi ito ang kauna-unahang digital literacy training na isinagawa ng CPLRC.

Naging bahagi na aniya, ng serbisyo ng Panlalawigang Silid-aklatan ang ganitong training upang linangin pa ang kakahayan ng mga Cagayano, lalo ang mga nasa serbisyo ng gobyerno at lalo ang frontliners sa edukasyon tulad ng Child Development Workers.

Ayon pa kay Pinto, layon ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba na maging “educational at literacy hub” ang CPLRC at mula nang naisaayos at napaganda ang CPLRC sa ilalim ng liderato ni Gov. Mamba, napakaraming serbisyo na ang naihatid nito bukod sa digital literacy training.

Binanggit din niya ang ipinagmamalaking awards ng CPLRC na bunga ng good governance ni Gov. Mamba katulad na lamang ang pagiging “Most Innovative Public Library” noong nakaraang taon at ang parangal para sa ama ng lalawigan sa pagiging 1st Place Gawad Kampeon ng Silid Aklatan, kamakailan.

Sinambit din niya na sa susunod na taon ay maaaring ihahatid na ng CPLRC ang 24/7 na serbisyo sa publiko.

Kanina lamang sa flag-raising ceremony na ginanap sa Kapitolyo ng Cagayan ay nanumpa naman sa harap ni Gov. Mamba ang mga opisyal ng Minaturra na Cagayan-ang asosasyon ng Cagayano authors at writers na nabuo kamakailan sa isinagawang Cagayan Authors Summit sa nagdaang 441st Aggao Nac Cagayan celebration. Bahagi pa rin ito ng adhikain ng CPLRC na magkaroon ng partners sa kanilang mga programa.

Nagpasalamat naman ang ilang mga ECCD Worker sa kanilang natutunan sa nasabing pagsasanay.

Sa kani-kanilang testimony, inihayag nila ang malaking kaalaman na nakuha at ang pasasalamat sa CPLRC at sa mga nagsanay sa kanila mula sa DICT.

Inaasahan naman ang pagsasagawa ng mga susunod na pagsasanay sa CPLRC sa mga darating na buwan. Kasaluluyan, ginaganap ang 10th Civil Service Examination free review sa Panlalawigan Silid-aklatan.