Naihatid ang iba’t ibang tulong ng gobyerno sa mga barangay sa bayan ng Allacapan, Cagayan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng Department of Interior and Local Government (DILG) Cagayan kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, at National Government Agencies.

Naserbisyuhan ang mga residente ng barangay Utan at Capanickian Norte sa mga tulong na ibinigay katulad ng serbisyong medikal, libreng konsultasyon at gamot, libreng binhi, gupit, at food packs.

Nagbahagi rin ng impormasyon ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno patungkol sa mga programa at serbisyo ng kanilang tanggapan na maaaring matanggap ng mamamayan. Tinuruan din ang mga residente at barangay official ng basic training sa pagsalba ng buhay.

Ang mga barangay na hinahatiran ng tulong sa ilalim ng RCSP ay ang mga dating apektado ng insurhensiya.

Nakasama rin ang alkalde ng bayan na si Mayor Harry Florida at Bise-Mayor Yvonne Florida sa pag-abot ng tulong sa kanilang mga kababayan.

Matatandaan na humina na ang pwersa ng mga rebelde sa Cagayan dahil sa mga inisyatibo ng pamahalaan at mga lokal na opisyal katulad ni Governor Manuel Mamba bilang regional peace and order council chairman sa mga nakalipas na taon.

Samantala, katuwang naman sa paghahatid ng serbisyo ang 17th IB, Philippine Army, Allacapan Police Station kasama rin ang Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang National Intelligence Coordinating Agency.