Napatunayan na tunay ngang isang “vibrant” cultural hub ang Cagayan Museum at Historical Research Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagtatapos ng selebrasyon ng National Arts Month ngayong buwan.
Ito ang sambit ni Kevin Baclig, Museum Curator and Director matapos ang mainit na pagsuporta ng publiko sa mga nagdaang mga aktibidad ng Panlalawigang Museo para sa Buwan ng Sining.
Nitong nakaraang Pebrero-16 ay naganap ang libreng film screening sa courtyard ng museo at ipinalabas ang mga pelikulang gawa ng mga local Cagayano filmmaker. Tampok ang pelikulang Natta Naddaki y Nuang ni Austin Tan, Luzonensis Osteoporosis ni Glenn Barit, Tokwifi ni Carla Pulido Ocampo, Life is Hard eh no? ni EJ Taguinod, Paalis na ang mga Kabayo by Cherry Tattao, at Si Tonyo at ang Kalabaw Chronicles ni Sean Bagaoisan. Hatid ito ng Cagayan Museum katuwang ang North Luzon Cinema Guild Inc.
Ang film screening ay tinangkilik ng publiko at napuno ang courtyard ng mga manonood.
Samantala, dinumog naman ang kauna-unahang Art Market sa museo noong Pebrero 25, 2024 kung saan ilang artists, creators, at performers ang naging bahagi ng aktibidad na ito. Iba’t ibang gawa, produkto, at talento ang naipakita dito.
Ayon kay Baclig, naging overwhelming ang aktibidad. Aniya, nakakatuwa ang pagtangkilik ng mga tao dito.
“Our vision to make the museum a vibrant cultural hub was achieved. For a first it was extremely overwhelming. And to see that we have locals patronizing our local artists by buying their art, or by leaving tips for the buskers is an eye-opener that there is a thirst for it contrary to our bias that there is no art market in Cagayan. Turns out, all they need is the space,” aniya.
Dagdag niya na sa matagumpay na pagtatanghal ng Art Market ay magiging regular na aktibidad na ito sa Cagayan Museum.
Patuloy naman aniya ang suporta na ibibigay ng Cagayan Museum sa mga local artist at aasahan pa ang mas maraming art exhibits at iba pang kaganapan na itatampok dito para sa publiko.
Lubos din ang pasasalamat ni Baclig sa mga naging partner ng museo sa pagdiriwang ng Arts Month kasama dito ang Cagayano Artist Group, Inc., North Luzon Cinema Guild Inc., Cagayan Heritage Conservation Society, UP Kontra Gapi sa pangunguna ni Prof. Edru Abraham, Ibanag Community Foundation Inc., Cagayan Tourism Office, at lahat ng local artists at performers.
Panawagan naman ni Baclig na patuloy sanang tangkilikin ng mga Cagayano ang Cagayan Museum at ang Cagayano artists. “Support our local artists. Bring home a piece of original art to decorate your homes. We need art more than we know,” pagtatapos niya.