Nabigyan ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan ang tinatayang 3,000 Cagayano sa katatapos na “Lab for All: Cagayan Caravan” ngayong Martes, Pebrero 27, 2024 sa Cagayan Sports Coliseum at Mamba Gymnasium, Tuguegarao City.
Ang proyektong “Lab for All Caravan” ni First Lady Louise ‘Liza” Araneta-Marcos ay may layuning mabigyan ng libreng medical consultation, laboratory services, mga gamot, check-up sa mata at ENT, chest X-ray, laboratory test tulad ng blood chemistry, ultra sound, hematology, at ilang minor surgery.
Pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ang Department of Health- Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD) ang mga ibinigay na serbisyo katuwang ang iba’t ibang ahensya tulad ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Higher Education (CHED), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 02, National Grid Corporation of the Philippine (NGCP), Public Attorney’s Office (PAO), Integrated Philippines Association of Optometrists (IPAO), One Top Medical System Resources, at iba pang linyang ahensya ng gobyerno.
Samantala, pinasalamatan ni Governor Manuel N. Mamba ang Unang Ginang ng bansa at sa lahat ng ahensya na nakiisa sa naturang caravan. Malaking tulong aniya ito sa pangkalusugan ng mga Cagayano na nabigyan ng libreng serbisyo.
“This is something new to me, this is so much innovative. Ito ang kailangan ng tao kaya we are so blessed here in Cagayan. Nagbababa ng tunay na serbisyo ang national government para sa atin. Napakaimportate nito, addressing the real needs of every Cagayano”, ani Gov. Mamba
Ayon naman kay First Lady Marcos, ang “Lab for All” ay serbisyong tunay na may pagmamahal sa mga tao kaya’t hiling niya na magsama-sama at magkaisa para sa “Bagong Pilipinas”.
Bukod sa libreng konsultasyon, nabigyan rin ng food packs ang mga benepisyaryong nagmula sa Tuguegarao City, Peñablanca, Rizal, Solana, Iguig, Alcala, Enrile, at Amulung kung saan sila ay unang sumailalim sa screening ng bawat Rural Health Unit (RHU). Nabigyan sila ng “charitimba” ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na naglalaman ng noodles, kape at can goods. Nagbigay rin sila ng libreng lotto tickets ng PCSO.
Umasiste rin ang PCSO sa mga nangailangan ng medical assistance tulad ng chemo therapy at confinement sa pamamagitan ng kanilang Medical Access program.
Ang DSWD Region 2 ay namahagi ng medical assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at livelihood assistance na nasa ilalim naman ng Sustainable Livelihood Program.
Iba-ibang serbisyo rin ang ibinahagi ng mga ahensya ng Department of Health (DOH), Food and Drug Administration (FDA), Department of Agriculture (DA), Department of Interior and Local Government (DILG), National Housing Authority (NHA), Department of Trade and Industry (DTI), at PhilHealth.
Samantala, tiniyak ng Incident Management Team (IMT) ng Provincial Government of Cagayan, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) at Provincial Security Group (PSG) ang seguridad ng naturang aktibidad. Naging katuwang nila ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Fire and Penology (BFP).