Nagsagawa ng tree planting activity ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Iguig bilang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng “I Love Cagayan River Movement” ngayong Biyernes, Pebrero 23, 2024.

Sa datos ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) aabot sa mahigit isang libong iba’t ibang uri ng bamboo propagules ang itinanim sa apat na barangay ng bayan ng Iguig, kabilang dito ang mga barangay ng Sta. Teresa, Atulu, Gammad, at Malabbac.

Matatandaang unang inilunsad ni Gob. Manuel Mamba ang “I Love Cagayan River Movement” taong 2021 na may layuning maisaayos muli ang Ilog Cagayan at mabuksan ang kamalayan ng mga Cagayano sa estado ng naturang ilog.

Layunin din ng pagkakalunsad nito na maibsan ang nararanasang kalamidad sa lalawigan gaya ng nangyaring malawakang pagbaha noong 2020 kung saan halos buong probinsya ang nalubog sa tubig baha at maraming ari-arian ang nasira.

Samantala, sa naging mensahe ni Atty. Charo Mamba-Villaflor, Provincial Administrator, hinikayat niya ang bawat isa na panatilihin ang pagkakaisa sa pagsulong ng mga aktibidad na may kinalaman sa kalikasan na ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gob. Mamba.

Nagbigay rin ng mensahe si Iguig Mayor Ferdinand Trinidad, aniya, maliban sa mga imprastraktura na ipinatatayo upang mapigilan ang pagbaha, higit na nakakatulong ang pagtatanim ng mga punong kahoy upang labanan ang pagbaha at climate change.

Kabilang sa mga nakiisa sa tree planting activity ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, kapulisan, at mga opisyales ng barangay.