Binigyang pagkilala ang isang jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Regional 2 na si Herson Raquino ng award giving body ng Asia Pacific Luminare Award bilang “Asia’s Exemplary Public Servant and Most Inspiring Humanitarian Advocate of the Year”.
Si Raquino ay kabilang sa grupo ng mga indigenous people na tubong Centro, Enrile, Cagayan ngunit lumaki sa probinsiya ng Batanes. Siya ang founder ng “Project Lapis” o Literacy Assistance Program for Indigent Student.
Ang Project Lapis ay tumutulong sa mga katutubong Aeta upang tugunan ang kanilang matinding pangangailangan sa pag-aaral upang makamit ang kanilang mga pangarap.
Kaugnay rito, ang Project LAPIS ay nagbibigay ng mga educational materilas sa mga katutubo, grocery packs sa mga napiling benepisyaryo ng Zinundungan Valley sa Rizal, Sto. Niño, Lasam, Lal-lo, Baggao, Gattaran, Sta. Ana, Peñablanca, at Amulung. Umabot na rin ang nasabing proyekto sa Ilocos at Isabela.
Ayon kay Raquino, naging inspirasyon niya sa pagbuo ng Project Lapis ang kaniyang mga naranasang hirap sa buhay bilang isang miyembro ng mga katutubo. Gayun din aniya ang kanyang paglahok sa iba’t ibang outreach activity na kanyang ipinagpatuloy kahit pa kabilang na siya ngayon sa mga uniformed personnel ng gobyerno.
“Naniniwala ako na we can be of service with or without uniform. Marami tayong matutulungan lalo na ang mga nasa malalayong lugar o mga katutubo. Hindi man sapat pero kahit paano ay napapagaan natin ang iniisip nila,” saad ni Raquino.
Nakatakda namang tanggapin ni Raquinio ang prestihiyosong pagkilala ng Asia Pacific Luminare Award sa darating na Hulyo 12, 2024 sa Okada, Manila.