Ginawaran ng Gawad Kalasag Seal of Excellence ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) matapos mapabilang sa “Fully Compliant” sa katatapos na 23rd Gawad Kalasag Seal ng Office of Civil Defense (OCD).

Tinanggap nina Daisy Baguisy at Benny Sigua bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba at Rueli Rapsing ang Officer-in-Charge ng PDRRMO ang plake ngayong Huwebes sa Hotel Carmelita sa lungsod ng Tuguegarao.

Ang probinsya ng Cagayan ay nakakuha ng rating na 2.10 mula sa isinagawang evaluation ng mga evaluator na pinangunahan ng OCD Region 02.

Tinanggap din ng mga iba’t ibang bayan sa probinsya ang kaparehong parangal na nakakuha rin ng “Fully Compliant” kabilang na ang Local Government Unit (LGU) ng Solana, Iguig, Rizal, Peñablanca, Buguey, Alcala, Sanchez Mira, Baggao, Camalaniugan, Pamplona, Sta Praxedes, Tuao, Sta Teresita, Sta Ana, at Gattaran.

Samantala, sa naging mensahe ni ni OCD Region 02 Director Leon De Guzman Rafael Jr., kanyang pinasalamatan ang lahat ng mga fully compliant na LGU sa rehiyon sa kanilang dedikasyon sa kanilang trabaho para matiyak ang kaligtasan ng kanilang residente sa panahon ng kalamidad o sakuna.

Aniya, sa rehiyon dos ay 23 na LGU ang nakakuha ng “Beyond Compliant” kabilang ang Lal-lo, Lasam, Allacapan, at Tuguegarao City sa Cagayan na unang pinarangalan sa kalakhang Maynila noong Disyembre 11, 2023 at 50 naman ang “Fully Compliant.”

Ang Gawad Kalasag ay mekanismo o pamamaraan ng OCD para bigyang pagkilala ang mga natatanging kontribusyon ng mga DRRM sa pagpapalakas ng “disaster-resilient” sa mga nasasakupang lugar o komunidad.