Sumailalim ang labing-siyam (19) na meat inspector sa Cagayan sa dalawang araw na pagsasanay kaugnay “Capacity Building for Enforcement Personnel” na pinangunahan ng Provincial Veterinary Office (PVET).
Isinagawa ang nasabing aktibidad sa Taj Hotel, Tuguegarao City kahapon, Nobyembre-21 hanggang Nobyembre-22.
Ayon sa PVET, naging katuwang nila sa pagsasanay ang National Meat Inspection Services o NMIS Region 2 at Bureau of Animal Industry (BAI) na nagbigay ng mga kaalaman at gabay sa mga meat inspector sa lalawigan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na mabisita at masuri ang mga ibinebentang karne sa Don Domingo Public Market sa Tuguegarao City.
Mabusisi nilang sinuri ang mga panindang karne kung ang mga ito ba ay double dead at kung nakatay sa slaughter house.
Partikular din nilang sinuri ang tamang handling ng karne at kanilang inalam kung ang mga nagtitinda ay may mga
kaukulang dokumento.
Sa isinagawang inspeksyon, dalawang kilo ng atay ng baboy ang hindi pumasa sa inspection code kaya agad na nagbigay ng notice for inspection ang PVET sa violator.
Naging katuwang ng grupo ang kapulisan ng lungsod sa isinagawang inspekyon sa nasabing pamilihan upang maiwasan ang aberya sa pagitan ng mga meat vendor at meat inspector.