Personal na nasaksihan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang green development at world-class infrastructure ng Zhejiang Province sa bansang China kasabay ng kaniyang pagdalo sa Economic and Cultural Mission.
Ayon kay Gov. Mamba malaki ang tiyansang mangyayari rin sa Cagayan ang progreso ng Zhejiang Province lalo at patuloy na isinusulong ang “Cagayan International Gateway Project” na magiging susi para sa world- class development sa probinsya.
“These are all innovation na pwede nating gawin sa Cagayan lalo na sa greening at global infrastructure development. May makabagong railway dito na nasa taas kaya nakikita ko na malaki ang maitutulong ng Cagayan International Gateway Project sa probinsya natin,” ani Gov. Mamba.
Kaugnay nito, hinangaan ng Gobernador ang pagbibigay ng prayoridad ng Zhejiang Province sa kalikasan at ang kanilang mga istraktura.
Nakita rin ni Gob. Mamba ang pag-angat ng ekonomiya sa Zhejiang Province dahil sa katapatan, abilidad, integridad, at ang pagmamahal ng mga tao sa kanilang bansa at kalikasan.
Samantala, pinangunahan ng Gobernador ang 14-member ng Cagayan Delegation batay sa imbitasyon ng Embahada ng China sa Pilipinas para magsagawa ng Economic and Cultural Mission.
Nabigyan naman ng pagkakataon si Gov. Mamba na magbigay ng talumpati ngayong araw ng Miyerkules, May-24 sa isinasagawang 2023 ASEAN-China Conference on Sustainable Development Cooperation sa Zhejiang Province para iprisinta ang malaking potensyal ng Cagayan sa pamumuhunan at ekonomiya.